Advertisers
BALIK sa Alert Level 2 ang Metro Manila at pitong probinsya simula Pebrero 1 hanggang 15.
Ito ang inianunsyo ni Cabinet Secretary Karlo Nograles kasunod ng pagbaba ng covid cases.
Bukod sa Metro Manila, kasama sa alert level 2 ang Cavite, Batanes, Bulacan, Rizal, Biliran, Southern Leyte at Basilan.
Sa ilalim ng alert level 2, pinapayagan ang 50% operational capacity sa indoor activities at 70% kung outdoor.
Magugunitang isinailalim sa alert level 3 status ang Metro Manila noong Enero 16-31 dahil sa biglang pagtaas ng covid cases.
Sa ngayon ay itinuturing na nasa moderate risk na ang Metro Manila.
Samantala, hindi na oobligahing magpakita ng vaccination card ang mga mananakay sa mga public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, aalisin na kasi ang “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation o DOTR matapos isailalim sa Alert Level 2 ang NCR simula Pebrero 1 hanggang 15.
Matatandaang umani ng kaliwa’t kanang kritisismo mula sa iba’t ibang sektor ang polisiya ng DOTr dahil isa umano itong uri ng diskriminasyon. (Jonah Mallari)