Advertisers
NAUWI sa wala ang pag-aresto ng mga awtoridad sa higit 30 katao na nagsasagawa ng drag race sa kahabaan ng San Miguel-Candava ByPass Road, sakop ng Barangay Camias at Bgy. San Agustin, San Miguel, Bulacan, Linggo ng gabi.
Sa ulat, 10:00 ng gabi nang maaktuhan ang drag racing ng mga otoridad.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga nadakip, kabilang dito ang isang alyas Kagawad Richard dela Cruz ng Bgy. Sta. Lucia na una nang pinalaya kasama ang anim iba pa ganap na 3:00 ng madaling -araw.
Ayon sa report, pagkatapos ang mugshot sa mga nadakip na drag racers ng Nueva Ecija at San Miguel, pinalaya lahat ang mga ito, dahil umano sa isang tawag sa cellphone ng kilalang politiko na hindi na muna pinangalanan, at pinabalik ang mga nakumpiska na motorsiklo.
Bagama’t umiiral ang curfew sa lugar, walang nakasuhan isa man sa mga naaresto.
Sinikap ng pahayagang Police Files Tonite na makuha ang panig ni Police Lt.Col. Voltaire Rivera hinggil sa pangyayari subali’t hindi ito sumasagot kahit nagri-ring ang telepono nito.(Thony Arcenal)