Advertisers
MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng mga bakuna sa pagsugpo sa pandemya habang hinikayat niya ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga kwalipikadong anak upang hindi magkasakit o mamatay sa COVID-19.
Ginawa ni Go ang apela kasunod ng isang petisyon na inihain sa Quezon City Regional Trial Court upang mag-isyu ng restraining order laban sa pagpapatupad ng gobyerno ng COVID-19 shots sa mga bata na nasa 5 hanggang 11 taong gulang.
Nilalayon din ng petisyon na gawing permanente ang injunction na magdedeklara sa Department of Health Memorandum No. 2022-0041 na nagtatakda ng mga alituntunin sa rollout ng pediatric vaccines, bilang unconstitutional at walang bisa dahil sa “grave abuse of discretion”.
“I respect the right of the petitioners to question before our courts the COVID-19 vaccine rollout for our minors… Nasa demokrasya naman po tayo,” ani Go.
“Bilang chair ng Senate Committee on Health, tiwala ako na dumaan sa masusi at maingat na pagsusuri ang mga bakuna bago inilabas sa publiko. Naniniwala din ako na ang bakuna ang susi natin para malaman ang kasalukuyang pandemya,” patuloy niya.
Ipinunto ni Go na ang mga eksperto sa pampublikong kalusugan ay higit na sumasang-ayon na ang mga bakuna ay ang pinakaepektibong paraan ng proteksyon laban sa virus.
Gayunpaman, inamin niya na maaaring may mga pag-aalinlangan dahil sa magkakaibang opinyon o impormasyong lumalabas sa online, lalo na sa social media.
Tiniyak ng senador sa mga magulang na lehitimo ang kanilang mga alalahanin at mahigpit silang hinikayat na kunin ang impormasyong kailangan nila mula sa mga pinagkakatiwalaang healthcare provider at mga eksperto sa kalusugan, tulad ng kanilang mga lokal na pediatrician.
“Sa mga magulang na may agam-agam hinggil sa ating mga bakuna kontra COVID-19, hinihikayat ko kayo na sumangguni sa inyong mga doktor, health experts o sa DOH upang maipaliwanag nang maayos ang mga impormasyon na dapat ninyong malaman. Huwag po tayong basta-basta maniwala sa kung anong mga ipinakakalat sa social media,” ang babala ni Go.
Kasunod ng bahagyang pagkaantala, opisyal na sinimulan ng pamahalaan ang pagbabakuna sa halos 16 milyong bata na may edad 5 hanggang 11 noong Lunes sa mga piling lugar sa Metro Manila.
Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang pediatric na bersyon ng Pfizer COVID-19 na bakuna na ipamamahagi sa buong bansa sa mga darating na araw.
Sa joint statement, sinabi ng DOH at ng National Task Force Against COVID-19 na ang rollout ay resulta ng masusing pag-aaral ng mga health expert at naaprubahan na sa United States at marami pang bansa.
Idinagdag nila na walang masamang epekto na naitala sa siyam na milyong nabakunahang menor de edad na 12 hanggang 17 mula nang magsimula ang rollout noong Oktubre 2021.
“Tulad ng lagi naming binibigyang-diin, lahat ng mga bakunang COVID-19 na inaprubahan ng Food and Drug Administration ay napatunayang ligtas at epektibo. Mahigit 8.1 milyong mga bata ang nabakunahan na sa buong mundo, na walang mga ulat ng pagkamatay at malubhang masamang epekto sa mga nabakunahan,” anila.
Ang Philippine Pediatric Society at ang Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines ay nagpahayag din ng kanilang suporta para sa rollout sa isang hiwalay na joint statement.
Sa huli, inirekomenda ni Go na maglabas ng karagdagang patnubay ang mga kinauukulang ahensya upang ang tumpak na impormasyon ay maging accessible sa publiko.
Hinimok pa ng senador ang gobyerno na patuloy na pagbutihin ang information campaign nito para labanan ang maling impormasyon tungkol sa kaligtasan at bisa ng mga bakuna.