Pamamahagi ng food boxes sa may 700K pamilya sa Maynila, muling umarangkada
Advertisers
MULING umarangkada ang pamamahagi ng mga food boxes para sa may 700,000 pamilya sa lungsod ng Maynila.
Mismong sina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa distribusyon ng mga naturang food boxes, bilang bahagi ng food security program (FSP) ng lokal na pamahalaan sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Pinuri rin ni Moreno si Lacuna, na siya ring health cluster head at Presiding Officer ng 38-member na Manila City Council at siyang instrumento sa pagpapasa ng city ordinance para sa paglalaan ng kinakailangang pondo para sa implementasyon ng naturang programa.
Ayon kay Moreno, base sa polisiya na napagkasunduan nila ni Lacuna, ang bilang ng mga food boxes na ipapamahagi ng lokal na pamahalaan ay batay dapat sa aktuwal na bilang ng mga pamilyang nakatira sa lungsod, anuman ang estado ng mga ito sa buhay, at hindi base sa bilang ng mga bahay.
Dahil dating iskwater, batid ng alkalde na minsan, may apat hanggang limang pamilya ang nakatira sa iisang istruktura lamang.
“Gaya kami dati, patung-patong ang mga squatter pero isang building lang. Minsan apat o limang pamilya nakatira. ‘Yung mayaman, paramdam n’yo taxes nila. Di nila kailangang hingin pa. Don’t pre-judge dahil lahat ngayon kailangan ng tulong,” pagbibigay-diin ni Moreno.
Dagdag pa niya, kahit mga nakatira sa mga konkretong bahay ay may karapatan ring mabigyan ng atensiyon upang malaman nila na ang kanilang ibinabayad na buwis ay ginagamit sa mabuti ng pamahalaan.
Nabatid na ipinag-utos rin naman ni Moreno na isama na sa bibigyan ng food boxes ang may 3,100 pamilya na dating residente ng Maynila, ngunit ngayon ay naninirahan na sa Naic, Cavite at sa Pandi at Norzagaray, sa Bulacan.
“Rich, middle class or poor, everyone in Manila should be covered by the city government’s food security program (FSP),” anang alkalde. “Ke nasa condominium, padalan nyo. Nasa Tondominium, padalan nyo. Hindi porke’t bato ang bahay, hindi na kasama. Wala tayong pipiliin, aakapin natin lahat,” sabi pa ni Moreno. (ANDI GARCIA)