Advertisers
Bulagta ang isang security guard na responsable sa serye ng robbery nang maka-engkwentro ang mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa kahabaan ng San Marcelino Street, harap ng Adamson University, Ermita, Maynila, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang napatay na si Ernesto Onora y Lajom, 46 , residente ng 138 3rd St., Tenejero, Candaba, Pampanga.
Nakatakas naman ang isa pa nitong kasamahan na nakasuot ng kulay berdeng t-shirt.
Sa ulat ng MPD-Homicide Section, 9:30 ng gabi nang mangyari ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at tauhan ng MPD-Theft and Robbery Section.
Nauna rito, isang confidential informant ang nagtungo sa nasabing tanggapan upang ipagbigay alam ang planong robbery ng mga suspek gamit ang Honda beat motorcycle bilang get-away vehicle.
Naispatan ng mga awtoridad ang mga suspek na paikot-ilot sa bisinidad ng 7-11 sa kahabaan ng San Marcelino Street.
Positibong itinuro ng impormante ang mga suspek at nang sisitahin ang mga Ito ay mabilis pinaharurot ang kanilang motorsiklo dahilan para sila ay habulin.
Gayunman, nawalan ng kontrol ang mga suspek at sumemplang sa gutter ng kalsada hanggang sa bumunot ng baril si Onora at pinaputokan ang mga pulis dahilan para magkaroon ng palitan ng putok.
Nang humupa ang putokan, nakita na lamang na duguang nakabulagta si Onora habang ang kasabwat nito sa planong robbery, nakatakas patungo sa direksyon ng United Nations Avenue .
Narekober sa crime scene ang 9mm RIA , .357 Smith and Wesson caliber revolver at mga bala.(Jocelyn Domenden)