Advertisers

Advertisers

Atty. Lopez ipasasawalang bisa ang ‘No Contact Apprehension Policy’ sa Maynila

0 260

Advertisers

SA patuloy na pagkadismaya ng mga motorista sa ipinatutupad na ‘No Contact Apprehension Program’ (NCAP) sa lungsod ng Maynila, bilang abogado, ipagtatanggol niya ang karapatan ng mga ito, bilang tugon sa hinain ng mga motorista sa paglabag ng kanilang karapatan sa nararapat na proseso, maghahain siya ng petisyon sa Korte upang mapasawalang bisa ang NCAP.

Libu-libong motorista na ang dumaraing kay Atty. Lopez, na bukod sa napakataas na multa na parang metro ng taxi ang dagdag sa penalty kung hindi matubos sa tamang araw o oras, ilalagay pa sa ‘alarm list’ ang license plate number ng mga sasakyan at ire-report sa LTO para hindi makapag-renew ng kanilang lisensiya hangga’t hindi nababayaran ang mga penalties o multa.

“Dapat mahinto ang naturang programa, dahil hindi ito makatao lalo na sa mga mahihirap na driver o operator na kulang pa ang mga kinikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya”.



“Paano po kung P3,000 lang ang kita ng motorista, at ‘yung halaga naman ng multa sa unang violation pa lang kaparehong presyo na. Kapag nahuli sila, sigurado walang matitira sa kanilang pamilya. Kawawa po ang motorista,” wika ni Atty. Lopez.

Dagdag pa ni Atty. Lopez, “Ang punto po dito, napagkakaitan ng right to due process ang mga motorista pati na ang mga operator o may-ari ng mahuhuling sasakyan.”

Sa ilalim ng NCAP ng Qpax Traffic Systems, Inc., ipinatutupad ng Manila LGU ang batas trapiko sa tulong ng mga camera na nakakalat sa ilang lugar sa lungsod.

“Wala kang pagkakataon na magpaliwanag. Magpapadala ng Notice of Violation sa may-ari ng sasakyan, kapag hindi nakapagbayad dahil walang extrang pera, lalo na’t walang kaalam-alam ‘yung kawawang may-ari ng sasakyan na may nalabag daw siyang batas, malalagay na ang plaka niya sa alarm list. Mahihirapang makapag-renew ng lisensya ang mga may-ari ng sasakyan, kasi naka-block pala sila sa LTO ng hindi nila alam at walang kalaban-laban. Sa Amerika, bibigyan ka ng oras na magpaliwanag sa korte, hindi kaagad-agad parurusahan”, pahayag ni Atty. Lopez.

Mariing sinabi ni Atty. Lopez, na kwestyonable ang pagpapatupad ng NCAP, dahil hindi nabanggit sa Land Transportation and Traffic Code ang ganitong uri ng programa para maisaayos ang daloy ng trapiko.



Masusing pag-aaralan ng grupo ni Atty. Lopez ang NCAP program na ipinatutupad ng Manila LGU kung ito ba’y totoong nakakatulong sa pagiging disiplinado ng mga motorista, kung napabuti at naisaayos ang trapiko sa Maynila, at kung nararapat bang magpataw ng sobrang laking multa sa mga motorista habang ang bansa pinapahirapan ng kasalukuyang pandemya.