Advertisers
PAG-UUSAPAN ng mga alkalde na miyembro ng Metro Manila Council ang posibilidad na isailalim ang National Capital Region sa pinakamaluwag na Alert Level 1.
Sinabi ni Atty. Romando “Don” Artes, ang officer-in-charge at general manager ng Metropolitan Manila Development Authority, kasama sa tatalakayin sa pagpupulong sa Martes ang rekomendasyong pairalin ang “new normal” sa Kamaynilaan simula Marso.
Sa ilalim ng “new normal,” aarangkada na ang lahat ng aktibidad ng ekonomiya nang walang limitasyon sa edad at bilang ng mga tao.
Mawawala ang restriksyon sa mga establisimiyento at pagbiyahe, pero mananatili ang pagsunod sa minimum public health standards, tulad ng pagsusuot ng face mask.
“Ang ating status dito sa NCR, magbubukas na po halos lahat ng industriya at 100-percent capacity. Ang mga klase rin po ay puwede nang magbukas, except po ‘yung sa primary level which will require the approval of the president,” ani Artes.
“So, masasabi po natin na halos balik na po tayo sa normal o ‘yung pre-pandemic activities po natin ay magiging regular na,” dagdag pa niya.
Sa huling rekomendasyon ng MMC, nagdesisyon ang lahat ng alkalde na manatili ang Alert Level 2 hanggang Pebrero 28.
Sa ngayon, ipinaalala ni Artes sa publiko na magpatuloy na sumunod sa mga panuntunan ng Alert Level 2 para maihanda ang NCR sa tuluyang pagluluwag.