Advertisers

Advertisers

Palakasin ang sari-sari stores, ‘wag gipitin! PACQUIAO BINATIKOS ANG DILG

0 228

Advertisers

HINAMBALOS ni Promdi Presidential Bet Manny Pacquiao ang panukala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na pigilan ang mga maliliit na tindahan na magbenta ng mga over-the-counter medicines.

Ayon kay Pacquiao, ito ay anti-poor, hindi makatarungan at impraktikal para sa mga mahihirap lalung-lalo na sa mga nakatira sa mga liblib na lugar.

Ito ang reaksyon ng Pambansang Kamao sa kautusan ng DILG sa mga local government units (LGU) na pagbawalan ang mga sari-sari store na magbenta ng mga over-the-counter na medisina ng walang permit.



Bukod dito, ito rin daw ay dagdag na pasanin para sa may-ari ng maliliit na tindahan na kakailanganin pang kumuha ng mga permit.

Idiniin ni Pacquiao na ang mga sari-sari store ang pinaka-accessible na bilihan ng mga gamot na kailangan ng mga mahihirap at ng mga nakatira sa kanayunan para sa mga pangkaraniwang karamdaman tulad ng lagnat, trangkaso, dismenorya o pananakit ng tiyan at katawan.

Ang mga over-the-counter medicine o OTC ay mga nonprescription drugs na maaaring mabili ng walang reseta mula sa duktor at ligtas at mabisa ito sa mga ordinaryong sakit.

“Consider natin na hindi lahat ay malapit sa mga drug store. Sa ibang lugar baka sampu hanggang 20 kilometro ang layo ng bayan na kung saan may mga botika, tapos hindi pa lahat 24 hours open,” kanyang pinunto.

“Hindi lahat may sasakyan para umalis patungong bayan to buy medicine sa gabi. Isa pa, karamihan tingi-tingi lang kung bumili kaya baka mas mahal pa yung pamasahe o gasolinang kinonsumo sa bibilhin nilang gamot,” inilarawan ni Pacquiao ang aktuwal na situwasyon ng mahihirap na Pinoy, lalo na sa mga taong naninirahan sa mga kanayunan.



Opinyon ng senador na ang pagkakaroon ng regulasyon at gayundin ang seryosong inisyatibo laban sa smuggling ang makakalutas sa sinasabing pagkalat ng mga pekeng gamot.

Bilang minimum requirement naman, sinabi niya na maaaring hilingin sa mga sari-sari store na magsumite ng listahan ng mga medisina na kanilang ibebenta sa kanilang barangay para sa kaukulang monitoring o pagbabantay.

Ayon din kay Pacquiao, dapat na maglunsad ang pamahalaan ng kampanya laban sa smuggling ng mga pekeng medisina at agad na ipaaresto ang mga korap na opisyal ng gobyerno na nagbibigay proteksyon sa mga smuggler.

“Kailangan nating higpitan ang pagpasok ng mga pekeng gamot at hindi dapat pinapahirapan ang mga malilit na sari-sari stores. Wala namang maititinda na dapat kung walang makakapasok sa atin na peke. Kailangan lang nating ma-implement mabuti ang ating generic law nang sa gayon ay maging accessible sa tao ang mga mura ngunit mabisang gamot,” aniya.