Advertisers
PUNTIRYA ng pamahalaan na mabakunahan laban sa COVID-19 ang may 1.8 milyong senior citizen sa bansa, sa pag-arangkada ng ikaapat na bugso ng ‘Bayanihan, Bakunahan’ national vaccination drive ngayong buwang ito.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje, ang Bayanihan, Bakunahan 4 ay matutuloy na sa Marso 10, 11, at 12.
Mas paiigtingin aniya ang naturang bakunahan dahil dadalhin din nila ang vaccination maging sa mga tahanan at mga workplaces.
Sinabi ni Cabotaje na prayoridad nilang mabakunahan ang mga senior citizens na hindi pa nakakakumpleto ng primary dose series at maging yaong wala pang booster shots.
Noong Sabado, sinabi ni Cabotaje na bumagal ang pagbabakuna ng mga LGUs nitong nakalipas na linggo dahil nawawalan na aniya ng sense of urgency ang mga tao, pagdating sa booster shots.
Nabatid na umaabot lamang sa 300,000 indibidwal ang naturukan ng bakuna, kumpara sa dating isang milyon hanggang 1.5 milyon.
Binigyang-diin naman ni Cabotaje na paiigtingin at bibilisan pa nila ang vaccination para sa primary series at booster shots bago magsimula ang panahon ng kampanyahan para sa local candidates sa Marso 25.
Tututukan rin aniya nila ang pagkakaloob ng booster shots sa mga lugar na nakaabot na ng 70% target population, gayundin ang primary series sa mga lugar na may mababang vaccine rates.
Tiniyak din naman ni Cabotaje na ang bansa ay may sapat na suplay ng bakuna para sa mga mama-mayan. (Andi Garcia)