Advertisers
PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa Republic Act No. 11647 na nagpapakilala ng mga pag-amyenda sa Foreign Investments Act of 1991 na higit na hihikayat at magtataguyod sa dayuhang direktang pamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Duterte sa pagpirma sa batas na ito na layong pasiglahin ang business at investment climate sa bansa, lalo na ngayong napakalaki ng epekto ng pandemya sa ating ekonomiya,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na ang bagong batas ay makakaakit nang mas maraming pamumuhunan sa bansa na magreresulta sa paglikha ng mga karagdagang trabaho at iba pang oportunidad sa negosyo, at sa huli ay isang komportableng buhay para sa lahat ng Pilipino.
“Kaakibat sa ating muling pagbangon ang paglutas sa gutom, kahirapan at kabuhayan ng mga Pilipino,” ani Go.
“Makatutulong ang mga polisiyang ganito para masuportahan ang mga negosyo, makapag-engganyo ng mga mamumuhunan at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino na manumbalik ang sigla ng kanilang pamumuhay,” idinagdag niya.
Ibinababa sa bagong batas ang pinakamababang paid-in capital para sa mga dayuhang mamumuhunan upang magtatag ng mga maliliit o katamtamang laki ng mga negosyo sa bansa mula US$200,000 hanggang US$100,000 kung kukuha sila ng 15 direktang empleyado.
Isinasaad din ng batas ang paglikha ng Inter-Agency Investment Promotion Coordination Committee na pagsasama-samahin ang lahat ng pagsusumikap sa promosyon para hikayatin ang mga dayuhang pamumuhunan sa bansa at magtatag ng one-stop shop para sa mga dayuhang mamumuhunan.
Ang amyenda ay nagbibigay-daan sa pinahusay na transparency sa pagsubaybay sa mga dayuhang pamumuhunan at ginagawang liberal ang pagsasagawa ng mga propesyon na hindi kinokontrol ng mga espesyal na batas, upang sa gayon ay makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Bukod dito, ang batas ay nagbibigay ng mga pananggalang tulad ng pagrepaso sa mga pamumuhunan na partikular na interes sa pambansang seguridad.
Ang pagsasabatas sa panukala ay makatutulong na pagsamahin ang mga plano sa dayuhang pamumuhunan upang mapabilis ang pandaigdigang competitiveness ng bansa at pagyamanin ang isang inklusibo at napananatiling anyo ng pag-unlad.
Matatandaang hinimok ni Go ang gobyerno na unahin ang pagpapatupad ng investment plan na magtitiyak ng pantay na pamamahagi ng yaman at mapabilis na rin ang pag-unlad ng socio-economic sa mga rural na lugar.
Sa paraang ito aniya ay matutulungan ang mga komunidad na makabangon mula sa masamang epekto ng pandemya ng COVID-19 at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya sa mga gustong magsimula ng bagong buhay sa kanayunan.
“Iba po ang panahon ngayon, kailangang tulungan at mas maengganyo ang mga investors na gustong pumasok dito sa atin. ‘Pag maraming investors, mas maraming trabaho,” sabi ni Go.