Advertisers
Maituturing na isang inspirasyon ang kwento ni Fernando Kuehnel para sa nakararami. Ito’y kung paanong mula sa pagiging palaboy at walang makain nagtagumpay siya at naging isang magaling na “scientist.”
Anim na taong gulang pa lamang si Fernando mula nang iwan siya kasama ng kanyang dalawang kapatid ng kanilang mga magulang. Hindi naging malinaw ang dahilan kung bakit sila inabandona ng kanilang ama at ina. Dahil sa hirap ng buhay ay naging mga palaboy sina Fernando kasama ng kanyang mga kapatid. Hanggang sa may makakita sa kanilang bahay ampunan at kinupkop silang magkakapatid.
Hindi naging maganda ang ang karanasan ni Fernando sa bahay ampunan kung kaya’t mas pinili niya na lamang na umalis at sa kalsada na lamang tumira habang magmumulot ng basura. Isang araw nabalitaan niyang may pamilyang balak ampunin ang kanyang mga kapatid, kaya naman minabuti niyang bumalik sa bahay ampunan.
Dinala silang magkakapatid sa Amerika ng mga taong umampon sa kanila. Sa kasamaang palad, hindi rin naging maganda ang kalagayan nila doon kaya ibinalik rin sila agad sa bahay ampunan.
Hindi nagtagal, dumating ang mag-asawang Kuehnel at nais silang ampunin na magkakapatid.
Dinala silang magkakapatid sa Amerika upang doon na manirahan at mamuhay. Hindi gaya ng naunang pamilya na nag-ampon sa kanila, itinuring sila nitong parang mga tunay na anak.
Nagsumikap si Fernando at nakatapos ng pag-aaral upang hindi masayang ang oportunidad na ibinigay sa kanila ng mag-asawang Kuehnel. Nagtapos siya sa kursong BS Healthcare at nagkamit ng parangal bilang Cum Laude.
Sa Kasalukuyan, isa na siyang clinical scientist sa Novartis at nakatira sa Newton, Wisconsin. Itinatag niya rin ang Kabataan Charity o ang K-Charity na tumutulong sa ibang batang ulila na at palaboy sa lansangan.