Advertisers
PINAKILOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Dionardo Carlos, ang pulisya na suyurin ang lahat ng anggulong maaring may kinalaman sa bigong pana-nambang sa buhay ni Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America. Ito ay bukod pa sa malalang problema ng quarrying sa lugar.
Sinabi ni Carlos na hindi dapat ipagkibit balikat at tratuhin na isang election related violence ang bigong pananambang kahit pa nalalapit ang 2022 national /local elections.
Maraming anggulo, aniya, ang kailangan tutukan ng PNP.
Samantala, sa panayam kay Mayor America, sinabi nito na may bahid ng pulitika ang pananambang sa kaniya.
Aniya, isang kilalang ma-lapit na kaalyado ni Quezon Province Governor Danilo Suarez ang utak sa likod ng pamamaril sa kanya. Gawa aniya ito ng kabilang grupo na kumakalaban sa gobernador. Ito’y sa kabila ng walang kongkretong ebidensya na diretsong maiuugnay sa iringan sa pulitika.
Pinag-iingat naman ni Gerenal Carlos ang kaniyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang tao na magtatangka ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda lalo na’t nalalapit na ang eleksyon.
Matatandaan na 2019 pinaslang ang dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang indibidwal nang ang mga ito ay nakiramay.
Batay sa ulat, si Michael ang target ng pamamaril dahil makailang beses itong pina-putukan ng malapitan.
Sa panayam noon kay Mayor America, pinabulaanan niya ang anggulo ng pulitika kahit na nangyari ang insidente ng pamamaril noong 2019 midterm election.
Ayon sa alkalde, ang motibo sa pagpaslang sa dati nitong driver ay dahil sa quarrying sa lugar kungsaan ang biktima ay isang quarry permit holder.
Kaniya ring nilantad na may nauna nang pagbabanta sa buhay ni Cuento noong 2016 national election subalit nabigo ito.