Advertisers
Patay ang isang sundalo habang sugatan ang kasama nito na miyembro ng Civilian Active Auxiliary (CAA) nang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong grupo Linggo sa Cabadbaran City.
Kinilala ang nasawi na si Sgt. Darry Jay Aguirre Rivera habang ang sugatan kinilalang si John Odon, CAA member at kapwa sakop ng 29th Infantry Battalion, Philippine Army.
Sa report ng Cabadbaran City Police Station, 6:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Sitio Dagnasay, Barangay Puting Bato, Cabadbaran City.
Lumabas sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng motorsiklo subali’t pagsapit sa nasabing lugar bigla na lang silang tinambangan ng limang armadong kalalakihan na mga kasapi ng Sandatahang Yunit Pampropaganda- 21C na pinamumunuan ng isang Ka Dindo.
Pinagbabaril ang mga biktima at nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan si Rivera at Odon saka mabilis na nagsitakas.
Isinugod naman sa Cabadbaran District Hospital ang biktima pero idineklarang patay si Rivera habang patuloy na ginagamot si Odon.
Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng mga basyo ng 7.62 rifle; cartridge case ng 5.56 at 7.62 na pinaniniwalaan ginamit sa pamamaril ng mga suspek.
Patuloy ang ginagawang manhunt operation ng pulisya at militar laban sa mga salarin.
Inaalam na ang tunay na motibo sa pamamaril.