Advertisers
Kulong ang limang katao na sangkot sa pambubugbog sa isang menor de edad, sa Brgy. San Lorenzo, Gapan City Nueva Ecija nitong Miyerkules, March 23.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Alexie A. Desamito, hepe ng Gapan City police station, kinilala ang mga naaresto na sina Alexander Bulacan y Saturn, 50, tubong Rio Chico, Gen. Tinio at residente ng Purok 4, Brgy. Pambuan; Elizalde Tinio y Gonzales, 45, residente ng Brgy, Pambuan; Eric Valmonte y Morillo, 42, ng Brgy, Pambuan; Hermie Saludares y Tiongco, 33, ng Brgy, San Vicente; at Arsenio Villareal y Almera, 58, residente ng Puting Tubig, pawang mga taga-Gapan City, Nueva Ecija.
Ayon kay Desamito, sa salaysay ng biktima na si alyas Ivan at ng ina nito, 6:30 ng umaga, nitong Miyerkules ng mangyari ang pambubugbog ng mga suspek sa menor de edad na biktima, sa Brgy. San Lorenzo Gapan City malapit sa kalsada.
Base sa mga impormasyon at mga ebidensyang nakalap mula sa kuha ng isang CCTV footages at mga nakasaksi sa pangyayari, natukoy ang mga suspek at ang sasakyan na gamit ng mga ito.
Kaagad naman nagkasa ng isang hot pursuit operation ang grupo ni Desamito at 9:10 ng gabi ng tuluyan ng matunton at maaresto ang mga suspek, habang sakay ang mga ito ng isang silver Toyota Altis Sedan na may plate number XEN 752 na nakita sa kuha ng CCTV footage.
Tatlo sa limang suspek ang tinukoy ng biktima na nambugbog sa kanya.
Sa isinagawang pagsisiyasat, narekober mula sa mga suspek ang iba’t-ibang kalibre ng mga baril at mga bala, isang olive green na holster at isang kulay itim na sling bag.
Mahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 7610 at paglabag sa 10591 at Omnibus Election Code ang mga suspek.
Dagdag pa dito, napag-alaman din kay Desamito na ang suspek na si Villareal, mayroong existing warrant para sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property na may criminal case number 87025 sa MTC Branch 1, Cabanatuan City.
Pansamantala, nasa kustodiya ang mga suspek ng nabatid na istasyon ng pulisya.