Advertisers
KUNG totoong nais ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na maglingkod sa mamamayang Pilipino, makabubuting bawasan niya ang yamang minana at ibigay sa tao.
Ito ang muling ipinayo ni Aksyon Demokratiko presidential aspirant Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kay Marcos na patuloy sa pag-iwas na bayaran ang P203 bilyong estate tax sa minanang ari-arian ng namatay na amang si dating Pres. Ferdinand Marcos Sr.
“Dapat siya e magbigay ng good example and be a role model to all Filipinos,” sabi ni Yorme Isko sa kaharap na mamamayan ng San Juan, Batangas ngayong umaga sa town hall meeting na ginanap sa San Juan Municipal Gym ngayong umaga, Marso 25.
Hindi raw niya maintindihan ang dahilan sa pagtanggi ng pamilya Marcos na bayaran ang utang na buwis sa minana sa kabila na may pinal na utos na ang Korte Suprema.
“I don’t know why…, siguro hindi masama na bawasan mo yung minana mo na hindi mo naman pinaghirapan lalo na kung tayo ay maglilingkod sa bayan. E kung yung ordinaryong tao nagbabayad ng buwis, e kaming nag-a- aspire lalo na sa presidency, siguro maganda maging ehemplo kami ng pagbabayad ng buwis,”paliwanag ni Yorme Isko.
Aniya pa, kung totoo si Marcos na nais maglingkod sa tao, mainam na bayaran ang utang na estate tax sa gobyerno.
“E, kung ibabayad nya yung P203 billion, marami tayong trabahong maibibigay,mapapakain at mabibigyan ng mga ayuda lalo sa mga jeepney and bus drivers, at iba pang nawalan at naghirap gawa ng pandemya,” sabi ni Yorme Isko.
Kamakalawa, sinabi ni Yorme Isko sa isang town hall meeting sa Sta. Rosa, Laguna na mabuting ibenta ng gobyerno ang mamahaling alahas, paintings, relo at iba pang ari-arian ng mga Marcos na nakatago sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Kung siya ang pangulo, ipinangako ni Yorne Isko na ipasusubasta niya ang nakumpiskang yaman ng pamilya Marcos at ang mapagbebentahan ay ipang-aayuda sa milyon-milyong Pilipinong biktima pa ngayon ng dinaranas na pandemyang COVID-19.
2 araw na mananatili ang Team Isko-Doc Willie sa Batangas na maliban sa San Juan ay nakatakda ring puntahan ang iba pang bayan tulad ng San Jose, Lipa City, Balete, San Nicolas, Sta. Teresita, Bauan at Sto. Tomas upang makapangampanya at suyuin ang mga residente ng naturang lalawigan.(BP)