Advertisers
BINATIKOS ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pamahalaan at ang Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa pagkabigo ng gobyerno para ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para mabigyan ng lupa ang mga magsasaka.
Sinabi ni KMP Chairperson Danilo Ramos na nanindigan ang mga magsasaka na nabigo ang programa ng DAR na CARP para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka dahil hindi naman napasakamay ng mga magsasaka ang kanilang mga lupa.
Nabatid sa telephone interview sinabi ni Ramos na hindi nagkaroon ng tunay na repormang agraryo para sa mga magsasaka at binigay na halimbawa nito ang patuloy na pagmamay-ari ng malalaking lupa ng mga panginoong maylupa.
Ayon sa lider ng KMP na isang halimbawa nito ang pagkabigo ng reporma sa lupa na ipinatupad ng pamahalaan sa Timog Katagalugan (Southern Tagalog Region) at sa Hacienda Luisita.
“Kundi naisanla ang lupa ng magsasaka napasa kamay ito sa mga malalaking panginoong maylupa” ayon pa kay Ramos.
Sinabi pa ni Ramos na ang pagkabigo ng repormang agraryo ay buhay na matatagpuan sa Timog Katagalugan na ang ilang mga lupa ay napasa kamay ng mga malalaking korporasyon at nakuha ng mga panginoong maylupa.
“Aabot sa 90 percent ng total agricultural land sa Hacienda Luisita ay nakasangla at naibenta na ang lupa” ayon pa kay Ramos.
Samantala idinagdag pa ni Ramos na hindi na dapat ipagpatuloy ng DAR ang CARP matapos magtapos ang programa nito nitong June 30, 2014 at sinabing matagal ng “patay” ang CARP at nailibing na.
“Ang dapat ng isulong at ipatupad ng DAR ay ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na magtitiyak ng tunay na repormang agraryo ani pa ni Ramos.
Sinikap naman ng sumulat na makuha ang panig ng Department of Agrarian Reform (DAR) hinggil sa pahayag ng KMP subalit nabigo ang sumulat na makontak ang DAR.(Boy Celario)