Advertisers

Advertisers

Mga lugar na nasa ‘election concerns’ ilalabas sa Huwebes – Comelec

0 381

Advertisers

ILALABAS ng Commission on Elections (Comelec) sa Huwebes ang listahan ng areas of concern na may kaugnayan sa May 9 national and local election sa bansa.

Sa Laging Handa briefing nitong Lunes, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na nakapagsumite na ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng listahan ng mga color-coded areas.

Ayon kay Garcia, “Asahan po ninyo by siguro hanggang Thursday ay mag-announce po ang Comelec sa pamamagitan po ng en banc, i-a-announce po natin kung ano talaga ‘yung areas of concern.”



Base sa klasipikasyon ng PNP, nilagyan nila ng kulay na berde, dilaw, kahel (orange) at pula ang bawat lugar depende sa antas ng katiwasayan nito pagsapit ng halalan.

Nabatid na ang kulay berde ay ikinukunsidera na ‘generally peaceful’ pagsapit ng halalan, ‘areas of concern’ naman ang mga lugar na inilagay sa kulay na dilaw dahil sa mga nakaraang insidente ng karahasan sa dalawang magkasunod na halalan.

Ang kahel naman ay ‘areas of immediate concern’ dahil sa presensya ng mga armadong grupo tulad ng New People’s Army and Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, habang ang pula ay mga lugar na parehong may naganap na karahasan ng mga angkang politiko at mga armadong grupo.

Sinabi pa ni Garcia na hindi na nila gagamitin ang terminong ‘election hotspots’ tulad ng napag-kasunduan nila ng Department of National Defense (DND) at ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Samantala, tiniyak din naman ni Garcia na tatalakayin na rin ng Comelec en banc ang posibleng adjustments sa mga panuntunan sa election gun ban exemptions at aplikasyon para sa security personnel.



Ayon kay Garcia, napansin ni Comelec Chairperson Saidamen Balt Pangarungan na ang pag-apruba o pagbasura sa mga aplikasyon para sa exemption ay mabagal.

Binigyang-diin nito na ang proseso ay dapat na madali lamang dahil mayroong mga credible threats laban sa buhay ng mga negosyante, mga hukom, mga abogado, Comelec personnel at iba pang public servants.

“Ipapangako po natin sa Miyerkules kaunahan po ‘yan sa tatalakayin ng en banc, ‘yung tinatawag nating recalibration of the guidelines para sa gun ban exemption at security personnel,” aniya pa. (Andi Garcia)