Advertisers
Sinisilip na ngayon ng mga awtoridad ang anggulong selos sa brutal na pagpatay sa 72 anyos na Japanese National at 39 anyos na guro na natagpuang tadtad ng saksak at naliligo na sa dugo sa kanilang tahanan sa Pasig City.
Sa ulat ni P/Col. Roman Arugay, hepe ng pulisya kinilala ang mga nasawi na sina Anna Marie Dalusong y Salvador, dalaga, public shool teacher; at Yasunori Mori, balo, Japanese National, na kapwa residente ng No. 3088 Kapayakan St., Ph-2 D2, Karangslan Village, Brgy. Mangahan.
Agad naman naaresto sa follow-up operation ang salarin na si Christian Llona y Balubal, nasa hustong gulang, umano’y boyfriend ng biktimang guro at nakatira sa Lot-5 Phase-2B, Kapayakan Street.
Sa ulat, 8:30 ng gabi Marso 28, ng matuklasan ang katawan ng mga biktimang naliligo sa dugo at tadtad ng saksak sa ikalawang palapag ng bahay sa Karangalan Village, ng isang Marie Louise Grace Salvador na, agad nagsumbong sa mga awtoridad sa brutal na pangyayari.
Idineklara naman ni Dr. Kena Keziah Asejo ng Pasig City General Hospital (PCGH) na patay na ang dalawang biktima dakong 12:45 ng madaling araw Marso 29.
Ayon naman kay PNP Forensic Unit P/Capt. Noel Moskito, ikinamatay ng mga biktima ang sangkaterbang saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Dagdag ng pulisya, ang biktimang guro na girlfriend ng salarin, nakatira sa bahay ni Mori na dating asawa ng kanyang tiyahin.
Nauna rito, bago matagpuan ang bangkay ng 2 biktima, noong Marso 26, dakong 1:00 ng hapon nagkaroon ng malalakas ingay mula sa 2nd floor ng bahay at nakita din sa CCTV footage na tumatakas ang salarin mula sa bahay ng 2 pinatay bitbit ang isang black bag pack at 32 inches na flat screen television patungo sa inuupahan nitong bahay ‘di kalayuan sa bahay ng mga namatay.
Kasong double murder at pagnanakaw ang kinakaharap ni Llona, pero nagsasagawa pa ng malalimang imbestigadyon ang pulisya sa tunay na motibo ng krimen o kung may kaugnayan din dito ang Anggulong selos dahil sa brutal na pagpatay. (Edwin Moreno)