Bilang “People of the Year 2022” awardee: Nasawing frontliners ‘nung kasagsagan ng pandemya, binigyang tribute ni Isko
Advertisers
BINIGYANG tribute ni Aksyon Demokratiko Presidential bet Mayor Isko Moreno ang lahat ng mga frontliners na nagbuwis ng buhay nung kasagsagan ng pandemya bilang resulta ng kanilang paglilingkod.
Ito ang sinabi ni Moreno makaraang tanggapin ang pagkilala bilang “People of the Year 2022” awardee, dahil sa naging pagtugon ng pamahalaan sa COVID na labis na pinakinabangan ng mga residente ng Maynila, mula sa prestihiyosong award-giving body.
Kinilala si Moreno ng People Asia dahil sa kanyang nagawa sa pakikipaglaban ng pamahalaang lungsod sa COVID-19, partikular sa ginawa nitong 344-bed capacity Manila COVID-19 Field Hospital at ang pagbibigay ng libre ng mga expensive at hard-to-access na mga anti-COVID medicines tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Molnupiravir, Baricitib at Bexovid.
Sa kanyang acceptance speech, pinasalamatan ni Moreno ang kanyang working partner na si Vice Mayor Honey Lacuna at ang lahat ng City Hall employees na nagsilbi sa frontlines lalo na noong kasagsagan ng pandemya na katrabaho rin niya sa loob ng tatlong buwan na hindi siya umuwi ng bahay at nanatili lamang sa City Hall.
Habang sila ni Lacuna ay na-infect din ng virus ay may mga frontliners ang nagbuwis ng kanilang sariling buhay makapaglingkod lamang sa mamamayan mg lungsod.
Inalay ni Moreno ang karangalan natanggap sa kanyang yumaong mga magulang na nagbigay sa kanya ng inspirasyon na huwag susuko lalo na noong panahon ng kahirapan.
“Inaalay ko ito sa aking nanay at tatay na naging simbolo ko na ‘wag sumuko sa buhay. Di nila ako sinukuan, bagamat ako ay solong tagapagmana ng lupain na bulubundukin at umuusok pa..the thing is, hindi sila sumuko kaya andito ako sa harap nyo ngayon,” sabi ni Moreno kung saan tinukoy nito ang Smokey Mountain kung saan siya lumaki.
Sa kanyang pagpapakilala kay Moreno bilang susunod na awardee, inilarawan ni Vicki Belo ang alkalde bilang “a former scavenger who grew up to become a star not only in cinema but in public service as well.”
Kinilala din si Moreno sa ginawa nitong paglilinis ng magulong Divisoria at sa rehabilitasyon ng Arroceros Forest Park, pagkakaloob ng disenteng pabahay sa mga mahihirap at pagtatayo ng mga bagong paaralan sa loob lamang ng maiksing panahon at sa pagpapakita nito ng political will at conviction, naging maganda ang buhay ng isang average na Filipino.
“Ito rin ay iniaalay ko sa mga magulang at mga bata na kumakaharap ng pagsubok sa buhay. Huwag kayong susuko, kapit lang. Lagi niyong tandaan na after the rain, there is a rainbow. Salamat sa lahat ng bumubuo ng PeopleAsia Magazine sa inyong iginawad na pagkilala sakin bilang isa sa mga People of the Year 2022,” sabi ni Moreno.
Ang mga awardees ayon sa editor-in-chief na Joanne Rae Ramirez ay napili dahil sa kani-kanilang tagumpay sa kanilang larangan at sa pagpapakalat ng pag-asa, pagkilos at higit sa lahat sa kanilang paglilingkod sa kapwa. (ANDI GARCIA)