Advertisers
Nasakote sa isang buy-bust operation ang dalawang suspect na diumano’y nagbebenta ng pekeng liquified petroleum gas o LPG sa Brgy Bulihan sa Bulacan. Huli ang dalawa sa isang undercover agent mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagpanggap na bibili sa kanilang bahay noong isang linggo. Natagpuan ang 140 na basyo ng disposable butane at mekanismo sa pag-refill. Ang mga nasabing basyo ay di na dapat gamiting muli at maaaring pagmulan ng sunog sa bahay.
Nitong mga nakaraang linggo ay ilang aksidente ang nangyari sa kalakhang Maynila dulot ng pekeng LPG. Isa ang namatay sa Tondo matapos sumabog ang isang LPG noong March 30. Isang LPG din ang sumabog sa isang sikat na pizza restaurant sa Quezon City kamakailan.
Kaugnay ng mga ito ay nagsimula nang mag-inspeksyon ang tauhan ng Philippine National Police sa Quezon City ng mga nagsasagawa ng mga iligal at di-ligtas na negosyo ng LPG na maaaring magsanhi ng sunog at iba pang kapahamakan sa komunidad. Ito ay matapos na personal na sumulat si LPGMA Party-list representative Arnel Ty sa PNP na imbestigahan ang mga naturang establismyento.
“Kahit tapos na ang Fire Prevention Month noong Marso, dapat patuloy nating habulin ang mga negosyo na nagsasagawa ng mga iligal na pamamaraan para makabenta ng LPG,” paliwanag ni Ty. “Kawawa naman ang ating mga kababayan kung mabiktima sila ng sunog at iba pang sakuna dulot ng depektibo at pekeng mga basyo na ginagamit at binebenta ng ilang mga kumpanya sa publiko.”
Ang LPGMA Party-list sa pangunguna ni Rep. Allan Ty ang nagsulong ng LPG law sa Kamara. Ang RA 11592 o ang LPG Industry Regulation Act ay naging ganap na batas matapos itong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Bahagi ng batas ang pagbuo ng Task Force na siyang tutuligsa sa mga lumalabag sa probisyon ng LPG law, gaya ng pamemeke ng selyo, pag-refill ng LPG na may halo, at pagbenta ng peke at substandard na mga basyo.