Advertisers
RIZAL – Masusing iniimbestigan ng Cainta Police Station ang pagkamatay ng tatlong indibidwal sa loob ng kanilang bahay sa 4753 Rizal St., San Francisco, Brgy. San Juan sa Cainta.
Kinilala ang mga biktima na sina Angelica Antonio Manaloto, 24; anak na si Nica Manaloto Mangi, 4 anyos; at pamangkin na si Renz Orly Manaloto Trinidad, 7.
Sa ulat, 7:05 ng umaga ng Miyerkules nang madiskubre ang bangkay ng mga biktima.
Una rito, dumating ang kapatid ni Angelica na si Erickson Manaloto sa kanilang bahay at kumakatok ng ilang beses subalit hindi ito pinagbuksan.
Napansin din na bukas ang pintuan sa gilid ng kanilang bahay.
Dito na nagtulong-tulong ang mga kapitbahay na buksan ang main gate at dito na tumambad sa kanila ang mga duguang biktima.
Áyon kay Rizal Provincial Police Director, P/Col Dominic Baccay, pawang may mga saksak ang mga biktima.
Sa ngayon, inaalam na ng mga otoridad ang motibo sa pagpatay at inaalam na rin kung may CCTV na malapit sa pinangyarihan ng insidente upang matukoy ang mga salarin.