Advertisers

Advertisers

“Pasko ng Pagkabuhay, bagong buhay, bagong bahay” – Isko

0 245

Advertisers

“ANG nangyari dito ay mangyayari din sa Marawi.”

Ito ang pagtitiyak na ginawa ni Presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno matapos na pangunahan nila ni Vice Mayor Honey Lacuna at Rep. Yul Servo ang ceremonial turnover ng mass housing units sa bagong tayong Binondominium 1 sa Binondo, Manila nitong Linggo ng Pagkabuhay

“Pasko ng Pagkabuhay, bagong buhay, bagong bahay,” pahayag ni Moreno kasabay din ng pagkilala niya sa presensya ng kanyang senatorial candidate na si Samira Gutoc kung saan ipinangako niya dito na ang ganito ring mass housing projects ay dadalhin niya sa mas malawak na lugar tulad ng buong Pilipinas kapag siya na ang naging Presidente ng bansa.



Si Moreno, na sinamahan din nina who Congressional candidate Atty. Joel Chua at Councilors Tol Zarcal, Jhong Isip, Terence Alibarbar, Fa Fugoso, Maile Atienza at Apple Nieto, ay naalala na noong tumakbo siya sa pagka-alkalde noong 2019 ay ipinangako niya na magsasagawa siya ng mass housing program na pakikinabangan ng mga nangungupahan at ng walang mga sariling bahay. Ngayon na natupad na niya ang kanyang pangako umapela siya sa mga tumanggap nito na pangalagaan at ingatan ang kanilang bahay para mapakinabangan pa rin ng susunod na henerasyon.

“Maraming salamat mga Batang Maynila at sumugal kayo sa isang bata. Ang sinabi ko nuon, ‘wag nyo ko iboto pag di ko kayo napatayuan ng bahay. Pag ako ginawa ninyong mayor, patatayuan ko kayo ng bahay. Kasi, basurero pa lang ako, squatter na kayo. Dinadaanan na lang kayo ng motorcade,” sabi ng alkalde.

Pinasalamatan ni Moreno sina Lacuna, ang lahat ng miyembro ng city council, city engineer Armand Andres, city architect Pepito Balmoris, city electrician Engr. Randy Sadac at ang lahat ng mga construction workers na tumulong sa kanya na tuparin ang kanyang pangarap na makapagtayo ng mass housing building na katulad ng mga high-class condo buildings.

Ang Binondominium 1, ay tulad din ng Tondominium 1 and 2, at pareho ding may elevators, stair nodes, parking lots at iba pang pasilidad at may sukat na 42 square meters.

Binalikan din ni Moreno ang kanyang nakaraan noong sila ay naninirahan bilang squatter kung saan napupuno ang kanilang bahay ng mga lata, timba at palanggana upang sahurin ang mga tulong tumatagas sa bubungan ng kanilang bahay tuwing umuulan.



“Pag naulan, puno ng tabo at panahod ang bahay kasi tagpi-tagpi ang bubong namin. Mapaglaro talaga and tadhana. Akalain ba na ang batang nangarap magka-bahay noon ay magkaroon ngayon ng pagkakataon na makapagbigay ng bahay? Darating din ang oras me totoong tao sa gobyerno. Mangyayari din ito sa Marawi at sa buong bansa,” pagtitiyak ni Moreno.

Tiniyak din ng alkalde sa lahat ng Manileño na kapag si Lacuna at Servo na ang bagong alkalde at bise alkalde ng Maynila ang lahat ng mga programang sinimulan ng kanyang administrasyon ay magpapatuloy lalo na ang mga benepisyo para sa mga senior citizens, solo parents, persons with disability at university students sa pamamagitan ng monthly financial aid.

“Mahirap magpatunay ang isang kandidatong katulad ko dahil panahon ng halalan. Kayo ang siyang magpapatunay, kayo ang nakaramdam, nakakita at nakasubok na kaya pala, posible pala. Kahit ako minamaliit ng mga elitista na parang sila lang ang may alam sa pagpapatakbo ng gobyerno, hindi ako susuko,” pagbibigay diin ni Moreno. (ANDI GARCIA)