Advertisers
Nakalibing na sa isang bakanteng lote sa Norzagaray, Bulacan, ang isang babaeng naunang iniulat na nawawala.
Ayon sa Bulacan-Philippine National Police, itinuturing na salarin sa krimen ang si Jerwin Conda na asawa ng biktimang si Rowena Conda.
Nabatid na April 15 pa nawawala ang ginang subali’t April 26 na lamang ito naiulat sa mga otoridad.
Ayon kay Norzagaray police chief Lt. Col. Cris Cordero, kanilang kinausap at tinanong ang limang taong gulang na anak ng biktima at dito sumagot na nasa lupa ang kaniyang mama.
Dahil dito, agad na pinuntahan ng mga pulis ang lugar at kanilang napansin na tila bagong hukay ang lupa at positibong naroon nga ang biktima.
Sumuko nitong Sabado ang salarin na si Jerwin na inaming nagkaroon sila ng pagtatalo ng misis noong April 15 dahil sa problema sa ibang babae.
Habang nagtatalo, tinutukan umano ng biktima ng kutsilyo ang mister, kaya nawalan ng kontrol si Jerwin.
Dito niya sinakal ang kaniyang misis hanggang sa mamatay ito, at inilibing agad sa bakanteng lote.
Mahaharap sa kasong parricide ang salarin.
Lumabas din sa medico-legal ng biktima na namatay ito dahil sa sakal.