Advertisers

Advertisers

Ex-Congw. Mitch Cajayon, kasama sa pinaiimbestigahan…NBI PROBE SA CALOOCAN AYUDA SCAM

0 792

Advertisers

NAGSIMULA nang gumawa ng case-build up ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng mga isinampang reklamo ng mga residente ng Caloocan kaugnay ng diumanong maanomalyang pamamahagi ng mga ayuda ng pamahalaan na nagsasangkot kay 2nd Dist. Congressional aspirant Mitch Cajayon.

Detalyadong inilahad sa mga sinumpaang salaysay ang mga kaso ng pamamahagi ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan inasahan ng mga benepisyaryo na tatanggap sila ng halagang P3,000 subalit sa aktwal na pamamahagi ay kinaltasan umano ang mga ito ng P1,000 at aktwal lamang naiabot sa kanila ang P2,000.

Ayon sa isang reklamo, pinapunta ang mga benepisyaryo sa Action Center ni Mitch Cajayon kung saan nasa lugar din sina Brgy. Kgd. Allan San Pedro at ilang tauhan ng DSWD at doon idinaos ang pamamahagi ng nasabing ayuda na diumanong “kinaltasan” ng P1,000.



May ilang kaso ring inianunsyo ng mga diumanong “tauhan” ni Cajayon na may tatanggap ng halagang P5,370 mula naman sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng programang ‘Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers’ o TUPAD subalit halagang P500 lamang ang naiuwing salapi ng mga ito sa kanilang mga tahanan.

Inilahad sa isang salaysay mula sa residente ng Brgy. 28 na benepisyaryo din sila ng TUPAD na pinadalhan sa pamamagitan ng Palawan Express ng halagang P5,370 mula sa DOLE subalit P500 lamang ang natanggap nila mula rito sanhi ng pagkaltas.

Marami namang Senior Citizen ng lungsod ang nabiktima ng anunsyong pamamahagi ng Cash Assistance na halagang P3,000 subalit maraming kwalipikado ang hindi naisali sa distribusyon habang P1,000 lamang ang naipamigay sa iilang benepisyaryo.

Sa Brgy. Maypajo nung Enero ay nasaksihan ang paglikom ng mga requirements ng mahigit 250 Senior Citizen upang ihingi ng pondo sa tanggapan ni Sen. Bong Go ang ibibigay na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Subalit 100 lamang mula rito ang nabigyan ng halagang P1,000, habang maraming “middle-aged” citizens ang nabigyan naman ng parehong ayuda sa lugar.

Lubos na ipinagtaka ng mga benepisyaryo ang maramihang pagbawas sa talaan ng mga Senior Citizen, lalo’t hindi na naibalik pa ang mga pirmadong kopya ng kanilang mga IDs at iba pang rekisitos.



“Ibabalik” diumano ang nalikom na salapi sa tanggapan ni Cajayon, ayon sa mga nagpakilalang Kap Alex at Jerome na pawang mula sa kampo ng Congressional aspirant.

Layunin ng malalimang imbestigasyon ng NBI na malaman ang katotohanan kaugnay ng mga reklamo.

Kung mapapatunayan namang may anomalya sa mga paggamit ng pondo ng pamahalaan, mahaharap si Mitch Cajayon at ang kanyang kampo sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds.