Advertisers
TALIWAS sa pagdepensa na diumano’y biktima ng “fake news” si Ex-Congw. Mitch Cajayon, binigyang diin ng mga nagreklamong mamamayan na kasalukuyang nasa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang hinaing kalakip ang mga patunay ng diumanong maanomalyang ayuda na naganap sa pangunguna ng dating mambabatas.
“Sa nakita naming lantarang iregularidad sa pamimigay ng financial assistance, tiyak na hindi makakalusot si ex-Congw. Cajayon sa ayuda scam,” giit ng mga nagrereklamong residente.
“Hangad lang po naming lumabas ang katotohanan para sana maibigay ng pamahalaan ang mga ayudang para sa amin, at hindi magamit lamang sa pulitika,” ayon sa isang complainant na hindi pa pinangalanan habang nasa yugto ng imbestigasyon.
Ayon sa kanila, sabay-sabay na isinumite sa NBI noong Mayo 2 ang kanilang mga affidavit, kalakip ang ilang liham na humingi ng talaan ng Senior Citizens sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), kopya ng barangay indigency record book, mga litrato ng aktwal na pamimigay ni Cajayon kasama ang DSWD at iba pang dokumentong katibayan sa kanilang sumbong.
Mula nito, inaaksyunan na ng NBI ang case build-up na bahagi ng kanilang standard operating procedure sa bawat natatanggap na lehitimong sumbong.
Marami pa ring apektadong mamamayan ang naghahanda ng kani-kanilang sinumpaang salaysay kaugnay ng mga naganap. Ikinalungkot nila na sa halip makipagtulungan sa imbestigasyon at solusyunan ang anomalya ay pinipili ng ilang personahe na idepensang “fake news” ang mga dokumentadong reklamo.
Matatandaang napaulat kamakailan ang diumanong pagkaltas ng mga “tauhan” ni Cajayon sa mga ipinapamigay na ayuda mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), ‘Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers’ o TUPAD, maramihang pagtanggal sa talaan ng senior citizen beneficiaries at mga anunsyo ng ayudang hindi nakarating sa kinauukulang maralitang mamamayan ng Caloo-can.
Hindi rin biro ang pagkadawit ng isang Kap. Jerome, Kap Alex, Kgd Allan San Pedro at iba pang opisyal ng pamahalaan sa ilalim ng kampo ng Ex-Congw. sa diumanong anomalya.
Disqualification case, paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds ang naghihintay na kaso sa mga nabanggit, sa sandaling lumabas ang katotohanang nagkaroon ng katiwalian sa mga nasabing ayuda, alinsunod sa imbestigasyon ng NBI.