Advertisers

Advertisers

12 nanalong senador at partial party-list target maiproklama ng Comelec sa Martes

0 323

Advertisers

TARGET ng Commission on Elections (Comelec) na maiproklama nang lahat sa Martes ang 12 winning senators at partial winning party-list groups sa katatapos na 2022 polls.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia ngayong Linggo na kung lahat ng natitirang Certificates of Canvass (COCs) ay matapos nilang bilangin nitong Linggo, maisasagawa na nila ang paghahanda para sa proklamasyon ng mga nanalong kandidato ngayong araw ng Lunes at maisasagawa naman ang proklamasyon bukas, Martes.

Nabatid na nasa 149 mula sa kabuuang 173 COCs ang natapos nang i-canvass ng Comelec, na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC), noong Sabado.



Ang natitira pang 24 na COCs ay binubuo umano ng 19 manual overseas COCs, isang manual COC mula sa Vulnerable Sector Office, isang manual COC mula sa 63 barangays, isang electronic COC mula sa Lanao del Sur, isang electronic overseas COC mula sa Hong Kong, at isang electronic COC mula naman sa Jordan.

Nilinaw naman ni Garcia na hindi lahat ng COCs na ito ay inaasahang darating ngayong Linggo, dahil magdaraos pa ang Lanao del Sur ng isang special election na target sa Mayo 24, matapos na magkaroon ng failure of elections sa 14 barangays doon.

Gayunman, sinabi ni Garcia na hindi naman na makakaapekto ang bilang ng mga ito sa mga boto ng mga kandidato kaya’t maaari na nilang maiproklama ang 12 nanalong senador, kasama ang mga party-list groups.

“Anytime sa pagtingin namin ay sapat na ‘yung bilang ng mga boto na nakuha ng mga kanididato at hindi na makakaapekto ‘yung mga natitirang result kahit na hindi pa napapadala ang COC, puwede po kaming magkaroon ng proklamasyon kasama ‘yung party-list,” paliwanag pa ni Garcia, sa panayam sa radyo.

“Ayaw po natin na may maiiwan pa dito. Mas maganda na isang proklamasyon na lang. Halimbawa, lahat ng senador tapos magproklama din tayo sa party-lists. It may be possible na hindi lahat ng party-lists ay maproklama kung may matitira pa,” aniya pa.



Ang halalan sa bansa ay idinaos noong Mayo 9, 2022. (Andi Garcia)