Advertisers
BITIN ang mga senador sa rekomendasyong kaso ng Department of Justice kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Mula sa majority hanggang minority group ng mataas na kapulungan ay hindi kumbinsido na walo lang ang kailangang madiin sa isyu ng korapsyon.
Dismayado si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi masasampahan ng kaso si Health Sec. Francisco Duque III.
“No Duque? No Del Rosario? I’m dumbfounded! Article 217 (Malversation) of the [Revised Penal Code] is very clear,” diin ni Sotto.
Matatandaang si dating PhilHealth President/CEO Ricardo Morales Lamang ang pinakamataas na opisyal na nakabilang sa listahan ng pinakakasuhan.
Ayon naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi lubos na malilinis ang ahensya kung nananatili ang ibang sangkot sa katiwalian.
Hangad ng mga senador na hindi lamang susugan ng Office of the Ombudsman ang rekomendasyon ng DoJ task force, kundi gumawa pa ito ng mas malalim na pagsisiyasat upang mas maraming mapanagot sa anomalya sa PhilHealth. (Mylene Alfonso)