Advertisers
Patay sa pamamaril ang isang lider ng mga magsasaka na galing sa pagpapapirma ng fuel subsidy para sa mga miyembro sa Lingayen, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Rodrigo Fernandez, dating barangay kagawad at kasalukuyang presidente ng Farmers’ Association ng Lingayen.
Sa ulat, sakay ng kanilang tricycle ang biktima na minamaneho ng kaniyang anak para mag-ikot at magpapirma sa mga miyembro ng magsasaka para sa fuel subsidy.
Pauwi na ang biktima at nasa harapan na ng kanilang bahay sa Barangay Lasip nang dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo na kulay pink at pinagbabaril si Fernandez.
Nasawi ang biktima sa mga tinamo nitong tama ng bala mula sa hinihinalang kalibre .45 na baril.
Hindi naman nasaktan ang kasama niyang anak.
Blangko pa ang mga kaanak ng biktima sa kung ano ang posibleng motibo sa ginawang pamamaril kay Fernandez.
Ayon naman kay Police Major Ria Racderan, Deputy Chief ng Lingayen Police station, pag-aaralan nila ang lahat ng anggulo sa posibleng motibo sa krimen kabila na ang posibilidad na away sa lupa.