Advertisers
Nakahukay ng mga kalansay ng anim na tao ang mga taga-National Bureau of Investigation-Bicol, militar at pulisya sa tinaguriang killing field at mass grave ng isang sindikato sa malawak at pribadong lupain sa kabundukan ng Barangay Molosbolos, bayan ng Libon, Albay nitong Miyerkules.
Kilala na ng NBI kung sinu-sino ito, pero hindi muna pinangalanan dahil ipauubaya na nila sa naabisuhan nang kaanak ang pagkilala sa mga kalansay sa tulong ng narekober na mga gamit.
Hiniling na ang dental records ng hinahanap na kaanak para mas mabilis ang pag-proseso ng NBI-Manila Forensic Team sa mga kalansay na dinala sa opisina ng NBI-Bicol.
“We just exhumed six bodies actually. Siyempre it is still for verification ang identities nila. So cannot confirm it yet because we still have to check with our forensic team atsaka ’yung family if they are indeed those personalities,” ani NBI-Bicol regional director Pateros Morales.
Naniniwala ang team leader ng operasyon, bangkay ang mga ito ng mag-kuya at isang babae na pawang mga kontraktor ng government projects na dinukot noong June 2021, fish vendor at magkapatid na reseller na dinukot din noong March 2022.
Kinilala ang sindikato na Gilbert Concepcion Criminal Group.
Ang natuklasang mass grave, kumpirmasyon umano sa nakalap ng NBI na impormasyon na tino-torture muna ang mga biktima bago ang karumal-dumal na pagpatay at paglibing sa kanila sa nasa 3 hanggang 4 feet na lalim na hukay.
Ang lider ng criminal group na si Gilbert Concepcion ay dating miyembro ng NPA na pumasok sa pagsusundalo pero na-discharge matapos mag-AWOL.
Ayon sa NBI, ang Concepcion group ang nasa likod ng ilang kaso ng pagdukot, pagpatay at pangingikil sa Cavite, Quezon at Bicol. Ilan dito ang pamamaril kay Malinao, Albay mayoral candidate Engr. Nelson Morales habang nasa simbahan noong Septembre 2012, pagpatay kay Lupi Mayor Leo Raul Matamorosa habang nasa appliance repair center sa Naga City noong October 2012, at pagpatay sa radio anchor na si Joey Llana habang nagmamaneho ng sasakyan sa Daraga, Albay noong July 2018.
Nakatakdang bumalik sa site ngayong Huwebes ang grupo dahil marami pa umanong missing individuals ang posibleng pinatay at inilibing doon.
“Actually may pampito kami, hindi na namin nakuha, balikan na lang namin. Hapon na. Hindi lang 6 ang pinatay at inilibing d’yan. Hindi ’yan bababa sa 30 katao,” ani Jimenez