Advertisers
MALAKAS ang kutob ng long-time trainer ni Manny Pacquiao na si Buboy Fernandez na babalik sa aktibong pagboboksing ang 8-division world champion na dating Senador.
Halos mag-isang taon na ngayon nang ianunsyo ni Pacquiao ang kanyang pagretiro sa boksing matapos matalo sa hindi masyado kilalang si Yordenis Ugas.
Pero walang duda si Fernandez na si Pacquiao ay kayang kaya pang makipagbakbakan sa matitindi sa welterweight, ang dibisyon na matagal pinagharian ng Pambansang kamao.
“Why not? Para magkaroon ulit tayo ng world champion kasi wala tayo ngayon kahit isa,” sabi ni Fernandez nitong Miyerkoles.
“Iba kasi pag sinabing Manny Pacquiao ang lalaban,” sabi pa ni Fernandez.
Batid ni Fernandez na kahit 43-anyos na si Pacquiao at matagal nagpahinga sa boksing ay madali lang ito na makabalik sa porma.
“Madali lang naman kasi sa kanya na ibalik yung stamina niya at i-develop.”
Si Pacquiao ay nakatakdang lumaban sa isang exhibition fight laban sa South Korean YouTuber at martial artist na si DK Yoo sa Disyembre.