Advertisers
PINURI ni Senador “Bong” Go ang katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatuon sa mga plano ng pamahalaan para sa mas maayos na hinaharap ng Filipino sa kabila ng mga hamon sa bansa na dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Go, malinaw na nailatag ng Pangulo sa kanyang talumpati ang mga panuntunan na magpapalakas sa pakikipaglaban sa pandemya, ang pagtugon sa kagyat na pangangailangan ng taongbayan para malagpasan ang mga paghihirap at ang patuloy na pagtupad ng administrasyon sa pangakong bigyan ng komportableng buhay ang bawat isa.
Higit sa lahat, ani Sen. Go, naidiin ni Pangulong Duterte kung gaano kahalaga sa Filipino ang pananatili ng pagkakaisa sa espiritu ng “bayanihan” at “malasakit sa kapwa tao” tungo sa hangad natin na maging normal na at mas maayos ang buhay ng bawat isa sa kabila ng mga hamon sa kasalukuyan.
Umaasa ang senador na kapag nagkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19 disease, titiyakin ng pamahalaan na mabibigyan nito ang lahat ng Filipino, lalo ang mga labis na nangangailangan.
Pinuri ni Go ang isiniwalat ng Pangulo sa SONA na may pag-uusap sila ni Chinese President Xi Jinping na nagsabing agad magkakaroon ng access sa COVID-19 vaccine ang bansa sa lalong madaling panahon kapag lumabas na ito.
Bilang suporta sa pagsisikap na ito ng Pangulo, nangako si Go, chairman ng Senate committee on health and demography at vice chair ng Senate committee on finance, na ipaglalaban niya ang pagkakaroon ng badyet para sa procurement o production ng nasabing bakuna.
Isiniwalat ni Sen. Go na naglaan ang pamahalaan ng P1.5 billion para sa paghahanda ng bansa sa paglahok sa COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility, isang international initiative para mapabilis ang paglikha at pagmamanupaktura ng COVID-19 vaccines.
Pinuri rin ni Go ang naging desisyon ng Pangulo na huwag payagan ang face-to-face classes hanggang wala pang bakuna laban sa COVID-19 at hanggang may panganib pa sa virus ang mga estudyante.