Advertisers

Advertisers

ISMAGLING SALOT SA INDUSTRIYANG PINOY

0 433

Advertisers

KUNG GANAP na masusugpo ang talamak na ismagling o pagpapasok ng mga kontrabando, ang magandang epekto nito ay ang paglago ng ating ekonomya, at pagkabuhay ng maraming industriyang pinatay na kagagawan ng mga salot na ismagler.

Ating suriin sa kaso ng namatay na shoe industry ng Marikina na noon ay isa sa mayabong, napakalagong industriya na nag-eempleyo ng maraming manggagawang Pinoy at nagpapasigla ng lokal na komersiyo at naglalagay pa sa mapa ng mundo ng husay ng obrerong shoemaker natin.



Noon, pag sinabing Marikina made shoes, maipagmamalaki sa mundo, at alam ba n’yo na ilang sikat na brand ng Italian at US made shoes ay gawang Pilipinas.

Opo, totoo ito dahil ang mga inaangkat na sapatos Marikina ay inaayos lang, mahusay na ipinapakete at pinapalitan ng brand ng Italy at US, at presyo, naibebenta sa malaking halaga.



Ngayon po ay patay na halos ang shoe industry ng Marikina, at sino ang dapat na sisihin natin.

Kasama sa dapat sisihin ay hindi lamang ang mga kasabwat na tiwali sa gobyerno, partikukar sa Bureau of Customs (BoC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at law enforcers natin.



Kasi po e binibili natin ang mga peke at huwad na tatak ng mumurahing sapatos na naipapasok sa bansa mula sa China at iba pang bansa.

Isipin ang libo-libong shoemaker, mga tagagawa ng kuwero (katad o leather) at iba pang kaugnay na negosyong pinatay ng smuggled shoes na nailulusot sa Customs.

Ayon sa estadistika, bumagsak sa 15 milyong pares ng sapatos ang ginawa noong 1993, at noong 2001, siyam na milyon, opo, 9 milyong pares ng sapatos na lamang ang ginagawa sa ating bansa.

Dahil sa smuggling, naghihingalo na ang maraming shoemaker natin, at ito ay katumbas ng malaking kawalan ng trabaho, kawalan ng makakain at kakapusan ng pagpapaaral ng mga manggagawang nawalan ng kita bunga ng ismagling.
***
Isa pa sa pinatay ay ang ceramic industry natin na world class ang pagkagawa.

Nasaan na ang Mariwasa ceramics… namatay o naglaho na yata bunga ng talamak na ismagling ng tisa at ceramics mula sa ibang bansa, karamihan ay gawang China.

Nagkalat sa mga bangketa ang mga baso, tasa, at iba pang gamit-kusina ng gawang China na inismagel sa ating bansa.

Pati ang mga lokal na industriya ng pottery natin ay patay na halos.
***
Ang biggest loss ay ang gobyerno bunga ng talamak na ismagling ng oil at petroleum products.

Kung paano nakalulusot ang barko-barkong petrolyo at mga katulad ng produkto, hindi natin maisip.

Mga magician ba tulad ni Criss Angels o mga Houdini ang magkakadabwat sa ismaling?

Ano na ang nangyari sa mga kasong oil smuggling na isinampa noon ng BoC laban sa local subsidiary of Malaysia’s Petronas oil conglomerate, at sa iba pa, may nangyari ba o meron bang napala ang gobyerno?

Imposible na hindi ito nalaman o alam ng mabibigat na taong-gobyerno, at lalong imposible na walang alam o tatanga-tanga lamang ang mga pulis, militar, coast guard, at iba pang law enforcers natin sa mga nangyaring oil smuggling noon at mga nangyayaring oil smuggling ngayon, di po ba?

Kung tunay na tinatrabaho nila ang trabaho nila na paghuli sa mga ismagler na ‘yan, wala ni kahit isang patak na langis ang makalulusot sa ating mga pantalan at paliparan.

Noon pa naman ay alam ng mga taga-Aduana ang modus operandi kung paano napalulusot ang mga ilegal na importasyon ng produktong petrolyo sa paraang undervaluation, misdeclaration at sa talagang ismagling na hindi na idinadaan sa BoC ang mga nakaw na produkto.

Kayrami nang ginawang mga anti-smuggling task force ang binuo at nabuwag o binuwag, pero naririyan pa rin at nakangising parang aso ang mga ismagler at mga kasabwat nila!

Kilala naman ng mga nakaraang komisyoner ang mga oil smugglers pero iilan lang yata ang nakasuhan, at mayroon bang nakulong o naparusahan?

Kung mayroon, pakibalitaan po kami mga bossing.

Sana ngayong matindi talaga ang tagubilin at ibinilin ni Pangulong Ferdinand ‘BBM’ Marcos Jr. kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na patayin o tuldukan na ang mga sindikato ng ismagling, sana po ay samahan natin sila at ng maraming matitinong opisyal at kawani ng BoC.

Kakaunti lamang ang mga economic saboteurs at mas marami ang magagaling at matatapat sa gobyerno, lalo na sa Customs.

Samahan po natin sila.
***
Hindi na bagito sa Customs, pero matalino, masipag at walang sinasanto: iyan po si Commissioner Ruiz.

Napapansin ng marami na panay ang pag-aaral pa at pagsusunog ng kilay, sabi nga, ni Comm. Yogi para malaman at matutunan ang lahat ng intricacies at buhol buhol na mga butas sa batas ng Aduana.

At hindi natatakot na magtanong sa oldtimers sa BoC tungkol sa mga hindi niya pa alam ang makisig na komisyoner, at ito ay napakagandang ugali niya na alam nating magdudulot ng napakagandang serbisyo sa ating gobyerno.

Sana, ito rin ang gawin ng iba pang opisyal ng BoC, magsipag at maging masigasig sa trabaho para makagawa ng mabuti sa pamahalaan.

Dahil sa sigasig vs smugglers na ipinapakita ni Comm. Yogi, aasahan natin sa mga susunod na buwan, magiging smooth at efficient na ang takbo ng operations sa Customs.

Mabuhay po kayo at salamat sa inyong katapatan sa inyong tungkulin.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.