Advertisers
Sugatan ang limang katao nang malaglag ang sinasakyang kotse sa isang kanal sa Tagkawayan, Quezon.
Nangyari ang insidente sa gilid ng Quirino Highway sa Barangay San Diego nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ng Tagkawayan Municipal Police Station, dahil sa malakas na ulan at basang kalsada, dumulas ang gulong ng kotse.
Ito ang dahilan kung bakit nakailang ulit itong bumaliktad bago malaglag sa kanal.
Dagdag pa ng mga awtoridad, wasak na wasak din ang kotse dahil sa lakas ng impact.
Samantala, mabilis namang nailigtas ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection – Tagkawayan ang sugatang driver at apat na sakay nito.
Muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga biyaherong dadaan sa Quirino Highway sa bahagi ng Tagkawayan, Quezon na mag-doble ingat dahil madalas ang aksidente sa nasabing lugar lalo na kapag maulan ang panahon.