Advertisers
NANATILI sa kanyang leadership sa Kamara si House Speaker Alan Cayetano matapos madiskaril ang planong coup d’etat ng mga kongresistang kasapi sa Mindanao bloc dahil na rin sa pagsuspinde sa sesyon sa plenaryo nitong Lunes, Setyembre 21.
Sinuspinde dakong 3:18 Lunes ng hapon hanggang bukas (Martes) ang sesyon sa Mababang Kapulungan kung saan dinaluhan ng 299 kongresista.
Nag-preside sa naturang sesyon si Deputy Speaker Raneo Abu at tumagal ito sa hanggang referrals ng mga panukalang batas. Nabunyag na muntik na maganap ang pagpapatalsik sa puwesto ng House Speaker at mga Deputy Speaker.
Bunsod na rin sa girian at samu’t-saring opinyon ng mga kongresista hinggil sa usapin sa infrustructure funds ng ilang distrito sa ilalim ng 2021 proposed P4.5 trilyon National Budget.
Nauna rito, ay inamin ni Deputy Speaker Paolo Duterte na may ipinadala siyang mensahe sa mga kaalyadong kongresista mula sa Mindanao para ipadeklarang bakante ang mga naturang posisyon.
Gayunman ay nilinaw nito na ang naturang mensaheng ipinadala ay pagpapahayag lamang niya ng kanyang pagtuligsa at pagkadismaya sa isyu sa infrastructure projects. (Josephine Patricio)