Advertisers
KUMAKALAT ang usap-usapan tungkol sa paghahasik ng lagim ng isa umanong aswang dahil sa kwestyonableng kamatayan ng ilang alagang hayop sa ilang lugar sa Visayas.
Ayon sa ulat, unang natagpuan Hulyo 24 sa Barangay Daga, Cadiz City, Negros Occidental ang dalawang patay na kambing. Buntis ang dalawang kambing at winarak ang tiyan at wala ang lamang-loob. Ang matindi rito, walang bakas ng dugo ang mga hayop.
“Sa akin talaga, natatakot ako na hindi ko maintindihan. Nagtanong ako sa tatay ko. Sabi ko sa kanya sa tingin mo papa, aso ba ang gumawa nun. Sabi nung papa ko hindi. Sabi ko sino, sabi niya alam mo na ‘yun. ‘Yung ganun. May araw kasi nangyari ‘yun hindi gabi. Sabi ng papa ko walang araw, walang gabi kung gusto nilang mag-ganun,” pahayag ng may-ari ng kambing.
Pagkaraan ng ilang araw, tumambad naman sa parehong lugar ang 48 manok panabong na patay. Tadtad umano ng kagat ang mga manok.
Noong Hulyo 28 rin sa Barangay Tagda, Hinigaran, natagpuan ang isang patay na tuta na wala ng ulo at lamang loob. Balat na lang ang natira ayon sa may-ari.
Nasundan pa ito, Agosto 4 sa Bonbonon, Negros Oriental, natagpuan ang isang kambing na wasak ang tiyan at walang lamang loob.
Sa Barangay Canlumampao, Toledo City, Cebu naman, limang baboy ang nakitang wala ng puso at atay.
Wala pa ring pinal na kasagutan sa pagkamatay ng mga naturang hayop..