Advertisers
Nagbigay ng pondo sa negosyo sa mga miyembro ng pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) dito sa bansa ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ito ay sa pagsisikap na maiangat ang buhay ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa ilalim ng “Tulong PUSO” Program ng OWWA, ang gobyerno ay magbibigay ng pondong aabot sa P1 milyon para magamit sa pamumuhunan sa negosyo para sa mga miyembro ng pamilyang OFW upang hindi lamang umasa sa mga remittances ng kanilang mga mahal sa buhay.
Isa sa mga benepisyaryo ng Tulong Puso Program ay ang Atimonan Overseas Filipino Worker Families Producers Cooperative mula sa Atimonan, Quezon.
Binubuo ang kooperatiba ng mga sewers and fabric workers na nakatanggap ng P1 milyon na pondo.
Iginawad din ng OWWA-National Reintegration Center for OFWs (NRCO) sa pangunguna ni Director Dindi Tan, ang ikatlo at huling tranche ng mga tseke sa dalawang OFW beneficiary organization sa Alabat, Quezon na nagkakahalaga ng halos P200,000.
Ang OWWA-NRCO ay nagsasagawa ng pag-ikot sa buong bansa upang matiyak na ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Tulong Puso Program ay maayos na naisakatuparan at may magandang negosyo.
Napakaganda sana ng programang ito dahil sadya namang di sapat ang kinikita ng ating mga kaawa-awang mga OFWs lalo na yaong mga domestic help na lawit na ang dila sa trabaho lalo na sa Middle East countries ngunti sa tuwing sasahod ay wala talagang natitirang pera sa kanila.
Lahat ay ipinapadala sa pamilya.
Kung may ganitong program ang makakatulong sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas, magagawa ng ating mga OFWs na makapagsubi kahit kakarampot mula sa kanilang mga sahod.
Pero tila di pa mabuting naipapaliwanag sa ating mga OFWs ang tungkol dito gaya ng mekanismo ng mismong programa ng OWWA.
Isa pa, di gaanong agresibo ang info dissemination patungkol sa nasabing programa lalo na sa abroad kung saan naroroon ang ating mga kababayang naghahanap-buhay.
Sa puntong ito, marahil ay dapat lamang ma-improve pa ang programa para sa mas malaking kapakinabangan ng ating mga OFWs.
Isa pa, hindi malinaw kung paano babayaran ang sinasabing Php 1M business capital kung ito man ay utang o loan ng ating mga OFWs o dole-out lamang o libreng ipinagkakaloob sa pamilya dito sa bansa ng ating mga manggagawa sa abroad.
Isa pang tanong ay kung puwede bang mag-avail individually ang mga pamilya ng OFWs natin direkta sa OWWA?
Sa press release kasi ng OWWA, nabanggit lamang ang mga miyembro ng mga kooperatiba at di malinaw kung puwede ring maging benipisyaryo sa programa ang iba pa na hindi kaanib sa ano mang grupo,asosasyon o kooperatiba.
Maganda ang hangarin ngunit tila kulang na kulang pa ang paglalahad ng detalye kung paano ito maa-avail ng bawat pamilya ng ating mga OFWs.
Ika nga, may problema sa information dissemination.
Malaki ang maitutulong ng social at mainstream media upang maiparating sa ating mga kababayang nagta-trabaho sa abroad at sa kanilang mga pamilya ang programang ito ng pamahalaan.
Ang abang pitak ng inyong lingkod ay handing tumulong sa abot ng ating makakaya para sa layuning ito.
Lubhang napakalapit kasi sa puso natin ang mga OFWs na tinagurian nating mga BAGONG BAYANI.
Nawa’y mapagbuti pa at mapalawak ang programang ito at mga kahalintulad na proyekto bilang pagtulong sa ating mga kababayang nagta-trabaho sa ibayong-dagat.
Malaking sakripisyo talaga sa mga OFWs natin ang iwan dito sa Pilipinas ang kanilang mga mahal sa buhay kapalit ng paghahanap na bagong kapalaran sa ibang bansa.
Tanggap naman ng lahat na kulang na kulang ang oportunidad ng maayos na hanapbuhay dito sa ating bansa kung kaya’t marami sa ating mga kababayan ang nakikipagsapalaran sa abroad masuportahan lamang ang pangangailanang pinansiyal ng kanilang pamilya.
Responsibilidad din ng gobyerno natin na ang mga OFWs ay lingapin at alagaan.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com