Advertisers
PATULOY na isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga inisyatiba at legislative measures na naglalayong palakasin ang paghahatid ng public healthcare services, partikular na sa mga liblib na lugar, kasabay na rin nang pagdalo niya sa groundbreaking ng Super Health Center sa Barangay Esmeralda, Balungao, Pangasinan kamakailan.
Ayon sa senador, mahalaga ang pagpapahusay ng kalidad ng healthcare system sa bansa upang matiyak na ang mga pinaka-nangangailangang mga Pinoy ay mayroong access sa medical services na kanilang kailangan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit isinusulong niya ang paglikha ng mga Super Health Centers sa buong bansa.
Ang Super Health Center ay ang medium version ngpolyclinic ngunit mas mahusay na bersiyon ng rural health unit. Kabilang sa mga serbisyong iniaalok ng naturang center ay kinabibilangan ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Mayroon ring eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine, kung saan maaaring isagawa ang remote diagnosis at treatment ng mga pasyente.
“Isinulong po natin at ipinaglaban na magkaroon ng Super Health Center dito sa inyo dahil alam ko po kung gaano ninyo kailangan na mapalapit sa inyo ang serbisyong medikal ng gobyerno. Naiintindihan ko po na napakalayo ng inyong barangay sa sentro kaya naman kami na po gumawa ng paraan para hindi na kayo lumayo pa,” ayon pa kay Go.
“Simula nang pumutok ang pandemya, nagulat po talaga ang ating healthcare system. Hindi tayo naging handa at nahirapan tayo. Kaya naman itong mga Super Health Centers ay isang paraan para mapagaan natin ang trabaho ng ating mga ospital,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ni Sen. Go na ang pamahalaan ay mayroong halos P3.6 bilyong available funds para sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagpapagawa ng 305 Super Health Centers sa bansa.
Para sa Pangasinan, tinukoy ng senador ang konstruksiyon ng walo pang Super Health Centers sa lalawigan, kabilang na sa Alaminos City at mga bayan ng Basista, Manaoag, Mapandan, Tayug, Porrozubio, Asingan, at Umingan.
Noong Setyembre 9, isa pang Super Health Center ang nagsagawa ng groundbreaking ceremony sa Baybay, Leyte. Una nang dumalo si Go sa groundbreaking ng SHCs sa North Cotabato, Sultan Kudarat, Iloilo at Pangasinan.
Bukod sa mga Super Health Centers, hinikayat rin ni Go, na siyang pinuno ng Senate Committee on Health and Demography at principal author ng Malasakit Centers Act, ang mga taong may health concerns na bisitahin ang Region 1 Medical Center sa Dagupan City kung saan mayroong Malasakit Center na handang tumulong sa pagbabayad nila ng hospital bills.
Samantala, pinangunahan din ni Go ang distribution activities para sa mga nangangailangang Pangasinense sa mga bayan ng Balungao, kung saan iprinoklama siyang adopted son noong Setyembre 5, gayundin sa Binalonan. Nakiisa rin siya sa ribbon-cutting ng isang farm-to-market road sa Brgy. San Miguel, Balungao.
Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, suportado rin ni Go ang rehabilitasyon ng local access road sa Brgy. San Marcelino sa Balungao. (Mylene Alfonso)