Advertisers
TINATAYANG mahigit 100 Overseas filipino workers na nakaranas ng matinding ‘kalbaryo’ sa Kingdom of Saudi Arabia ang nakabalik na sa bansa kasama ang ilang mataas na opisyales ng pamahalaan.
Bagama’t nagbaon ng kabiguan para sa kanilang pangarap ay masaya pa rin sila dahil kasama nilang dumating sina OWWA administrator Arnel Ignacio at DMW Secretary Susan Toots Ople.
Ang dalawang opisyal ng administrasyong Marcos ay ilang araw ding namalagi sa Saudi Arabia upang personal na asikasuhin ang problema ng mga ‘distress ofws’. Sila ay lulan ng Saudia SV flight 870 na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay DMW spokesperson Tony Nebrida, ang Philippine Embassy, DMW at OWWA sa Saudi Arabia ay nagtulong-tulong upang mapabilis ang repatriation ng mahigit isang daang Pinoy workers na nakaranas ng ‘unpaid salary, maltreatment at pang-aabuso’ mula sa kamay ng kanilang mga employers.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin ang POLO o labor office sa Jeddah at Alkubar sa Saudi government na tulungan ang ating mga kababayan na maisaayos ang pagproseso ng mga dokumento ng mga pinoy workers pabalik sa Pilipinas.
Ayon sa domestic helper na si Annalyn Froilan, 39, tubong Zamboanga del Norte, kahit na mapait ang karanasan sa ibayong-dagat, nagpapasalamat pa rin siya dahil ligtas naman itong nakabalik sa piling ng mga mahal sa buhay.
Aniya, dalawang taon lang ang kontrata nito sa among Arabo na nasa Jeddah pero hindi na daw siya pinayagan na makauwi ng Pilipinas kaya umabot ito ng apat na taon na putol-putol ang suweldo kaya napilitan siyang tumakas.
Nabatid na karamihan sa napauwing OFWs, mayroong iba’t-ibang kaso, kung saan ilan sa kanila ang nagkaproblema sa kanilang trabaho.
Napag-alaman na simula sa Nobyembre 2022, maari ng magpadala ang pamahalaan ng skilled workers sa nasabing bansa. Gayunpaman, suspendido pa rin umano ang pagde-deploy sa mga house hold service workers.
Ilan sa mga domestic helpers na hindi kumpleto ang kanilang bakuna ang dinala sa quarantine facilities at doon mananatili ng ilang araw habang papayagan naman na makauwi sa kanilang mga pamilya ang mga fully vaccinated.(JOJO SADIWA/JERRY TAN)