Advertisers

Advertisers

US$1 BILLION PONDONG PABAHAY INAASAM NG MAFIA!

0 1,391

Advertisers

SA mga nagdaang panahon at mga administrasyon ay naging kalakaran ang pamumuhunan ng mga tiwali o ng magkaka-kompetensiyang MAFIA para makasungkit ng pwesto sa gobyerno.

Ibinulong ng ilang mga ARYA BUBUYOG na ang isang ahensya ng pamahalaan ay target ngayon ng isang MAFIA.., ito ay ang SOCIALIZED HOUSING AND FINANCE CORPORATION (SHFC)!

Sa totoo lang.., hindi naman karamihan ang nag-iinteres sa naturang tanggapan ng gobyerno.., pero nang sumingaw ang balita hinggil sa US$1 BILYON HOUSING FUND na galing sa tinatawag na savings ng iba pang ahensya sa ilalim ng DEPARTMENT OF HUMAN SETTLEMENT AND DEVELOPMENT (DHSUD) ay may isang FORMER GENERAL MANAGER ng HOUSING AGENCY ang naglulupasay sa sama ng loob.



Bakit siya umaatungal? Dangan naman kasi ang P50 milyong inilabas niya ay posibleng mauwi lang sa wala bunsod sa REKOMENDASYION ng “PARALLEL SCREENING COMMITTEE”.., na ibasura ang daan-daang appointment papers na pinirmahan daw ni EXECUTIVE SECRETARY VIC RODRIGUEZ.

Kasama sa mga naturang appointment papers ang ilang kasangga niyang tinutulak maging UNDERSECRETARY ng
(DHSUD), sa paniwalang sila ang magbibitbit sa kanyang puntiryang pwesto.., na ang kanyang tinatarget ay maging SHFC PRESIDENT!

Bulong ng mga ARYA BUBUYOG.., sadyang matalas daw pagdating sa pagkakakitaan itong kapitalistang namuhunan para lumabas ang appointment ng mga USEC na tutulong naman sa kanya patungo sa kursunadang pwesto sa SHFC.., e mantakin ninyo, kabisadong-kabisado nito kung saan daw lalapag ang US$1 BILYON HOUSING FUND na kanyang iniinteres kasama ang isa pang opisyal na kilala sa larangan ng property development.

Heto ang magandang ukilkilin natin.., ano nga ba ang nagtulak sa kanya para lumarga ng P 50 milyon?

Kung susuriing maigi e baryang-barya ang P 50 milyon kumpara sa US$1BILYONG parating sa SHFC.., e hindi lang sampung doble ang balik ng kanyang binitawang puhunan dahil may kausap na rin naman siyang mga kontratistang natakam sa kanyang matamis na buladas.



Sa dami ng kanyang mga sinabihan na siya na ang uupo sa SHFC e gapang-marino ngayon ang kumag na ito para tiyaking hindi mababasura ang pangarap na pwesto.., yun nga lang, determinado talaga ang kapitalista dahil nakahanda raw itong sumuka ng isa pang P 50 milyon upang makatiyak na siya na ang mauupo sa inaambisyong POSITION at para sa kapakinabangan ng kanilang MAFIA GROUP… wow na wow!

Mga ka-ARYA…, isa lang ang malinaw sa ganiyang sistema.., magbabawi yan pag nakalusot ngayong Lunes sa SCREENING COMMITTEE.., SOMALOSEP MATUTULDUKAN PA BA ANG KURAPSIYON???

***

Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext lamang sa 0969 536 8851 para sa inyo pong mga panig.