Mayor Honey, paiigtingin pa ang bakunahan sa kabila ng pagluluwag sa pagsuot ng face masks
Advertisers
HIGIT pang paiingtingin ni Manila Mayor Honey Lacuna ang bakunahan sa kabisera ng bansa lalo na sa panahong boluntaryo na ang pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar.
Pinaalalahanan ng babaeng alkalde ang mga Manilño na sa pag-amyenda sa mandato ng pagsusuot ng face masks, ang pinakamabisang proteksyon sa ngayon ay maging fully vaccinated at pagpapaturok ng booster.
“Lagi nating tatandaan… dahil walang mask, ang best protection ay pagiging fully vaccinated at booster bilang pinakamabisang panlaban sa COVID-19,” ayon sa alkalde.
Iginiit ni Lacuna na ang pagsusuot ng face masks sa mga closed areas ay nanatiling mandatory.
“Sa mga lugar na kahit open pero sa tingin natin siksikan lalo na parating ang Kapaskuhan, ka kahit open space, ang suggestion ko, kung may pangamba kayo, magsuot pa rin ng face mask, kasi voluntary lang naman ang di pagsuot,” pahayag pa ng alkalde.
Partikular na binanggit ni Lacuna ang inaasahang sitwasyon ng mga tao sa Divisoria at Recto lalo na sa nalalapit na Kapaskuhan.
“Yan ang kagahndahan ng kumpleto ang bakuna…para free na kayong gawin ‘yung mga dati na ninyong ginagawa lalo na at parating ang Kapaskuhan,” dagdag ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila.
Nabatid sa alkalde na ang kabuuang bilang ng fully vaccinated sa Maynila ay umabot na ng 1,637,191 kung saan mahigit 3.5 million bakuna na ang naipamigay hanggang sa kasalukuyan.
Simula pa ng pandemya, si Lacuna ay naniniwala na “vaccination is the solution,” dahil ito ang pinakamabisang depensa laban sa coronavirus at kahit na mahawa pa at maging mild o asymptomatic ang kaso nito.
Nabatid na ang mga bakunang ginagamit sa ngayon ay Sinovac, Pfizer at Astra Zeneca. (ANDI GARCIA)