Mayor Honey, VM Yul namigay ng tulong pinansyal sa mga nasunugan
Advertisers
NAMIGAY ng tulong pinansyal sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo-Nieto sa mga nasunugan kamakailan sa kabisera ng bansa.
Nanawagan ang dalawang pinakamataas na opisyal ng lungsod sa mga biktima ng sunog na huwag mawalan ng pag-asa sapagkat naririyan ang pamahalaang lungsod ng Maynila upang sumuporta sa kanila.
May kabuuang 489 na pamilya ang binigyan ng tulong pinansyal ng Manila City Hall kung saan si Lacuna ay tinulungan din ng mga kawani ng Manila Department of Social Welfare sa pamununo ng Re Fugoso.
Napag-alaman na ang mga tumanggap ng tulong pinansyal ay mula sa mga nasunugang pamilya simula pa noong buwan ng Hunyo hanggang sa kasalukuyan.
Bawat pamilyang nasunugan at nabibilang sa iba’t-ibang distrito ng Maynila ay tumanggap ng halagang P10,000 bawat isa.
Samantala, ayon kay Fugoso, ang kabuuang halaga na naipamigay ay umabot sa P4,896,000 at kabilang sa tumanggap ang mga nasunugan noong Hunyo.
Ang ilang mga biktima ng sunog ay ngayon lang nabigyan ng tulong pinansyal dahil ang distribution ng financial aid ay sakop pa ng election ban.
Nanawagan si Lacuna sa mga residente na mag-ingat dahil mataas ang insidente ng sunog ngayon sa lungsod nitong mga nakaraang buwan.
“Sana po wag na kayo maging biktima muli ng anumang kalamidad. Pero kung mangyari man po, asahan ninyo narito kami bilang kaagapay ninyo,” pahayag ni Lacuna sa mga residente.
Sa kanyang bahagi, pinaalalahanan naman ni Servo ang mga biktima ng sunog na maging matatag at patuloy na manalangin kasabay ng pasasalamat nya sa mga ito sa suportang ipinagkaloob sa dito sa e Asenso Manileno party na naging dahilan ng kanilang malaking tagumpay sa nakaraang eleksyon. (ANDI GARCIA)