Advertisers

Advertisers

JPE sa hirit na baguhin ang Konstitusyon: “MAS MARAMING KORAP NGAYON KESA NOON!”

0 172

Advertisers

SERYOSONG sinabi ni dating Senate President ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na si Juan Ponce Enrile na mas talamak ang ang korapsyon sa gobyerno ngayon kesa noon.

Binanggit ng 98-anyos na Enrile ang obserbasyon niyang ito nitong Miyerkules nang dumalo siya bilang resource person ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, kungsaan tinalakay ang mungkahi sa Charter change.

Sa pagdinig, tinanong ng panel chairman na si Senador Robinhood Padilla si Enrile tungkol sa proposal ng beteranong abogado na si Estelito Mendoza na amyendahan ang 1987 Constitution para ang mga miyembro ng judiciary ay dumaan sa masusing screening process ng Commission on Appointments (CA).



Pagkatapos nito’y ipinaliwanag ni Enrile ang lumang sistema kungsaan ang lahat ng mga appointee sa gobyerno ay dapat makakuha ng kumpirmasyon sa CA.

“That system, hindi ko sinasabi na walang corruption noon, meron ding mga corruption dun pero hindi kagaya ngayon,” sabi ng dating Senate President, na nagsilbi rin sa maraming posisyon sa gobyerno ng yumaong ama ni PBBM.

“I’m sorry to say na ngayon sa mga panahon natin, laganap ang corruption. Lahat ng lumpsum money na bina-budget ng Kongreso is subject to corruption,” sabi ni Enrile.

Binanggit na halimbawa ni Enrile ang korapsyon sa pagpapatupad ng ‘Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment.

Ang TUPAD ay cash-for-work program na nagbibigay ng kagya’t na trabaho sa displaced, seasonal, at under-employed workers ng 10 hanggang 30 araw nitong pandemic.
“Hindi naman lahat pero karamihan binibulsa yung cash at ginagamit yun sa eleksyon para bilhin ang boto ng taumbayan na pulubi,” sabi ni Enrile.



“Ngayon kung ibabalik natin yung sistema na lahat ng presidential appointees ay subject to confirmation, then Congress can now exercise its power to exact accountability for the monies that they appropriate for every department, agency or office in the entire national government,” punto ni Enrile.

Sabi pa ni Enrile, noon ay iilan lang ang corrupt prosecutors. Pero ngayon, aniya, ay maraming nagdurusa sa kulungan dahil sa mabagal na justice system sa bansa. “Ang Kongreso nagba-budget nalang, pinababayaan na, hindi na pinakikialaman kung ano ang resulta nung binadyet nila.”

Noong panahon niya, sinabi ni Enrile , lahat ng appointees kabilang ang justices ng Supreme Court ay sumasailalim sa CA confirmation.

“Palagay ko having been a participant of the government under the 1935, 1973, and 1987 and all the Constitutions of the Philippines from Quezon to now, I’d rather that we go back to the system under the 1935 Constitution,” aniya.

Si Enrile, isa sa tatlong senador na naharap sa PDAP scam, ay nahaharap sa kasong ‘Plunder’ sa Sandiganbayan. Nakalalaya siya sa piyansang P1 million. Ang dalawa pang senador na nakulong sa Plunder sa PDAP ay sina Jinggoy Estrada, nakalalaya rin sa piyansa; at Bong Revilla, nadismis ang kaso pero pinababalik sa kanya ang P124 million pondong nawawala na hanggang ngayon ay hindi pa niya naibabalik.