Advertisers
INIUTOS ng Sandiganbayan na mabilanggo ng 15 araw ang dating hepe ng Pasay City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na inakusahan ng isang empleyada ng pagdakma sa kanyang puwet habang nasa pasilyo sila ng kanilang opisina noong 2015.
Sa 22-pahinang resolusyon ng anti-graft body nitong Setyembre 23, inabswelto sa ‘sexual harassment’ pero napatunayang ‘guilty’ sa kasong ‘unjust vexation’ si dating Pasay City DRMMO chief Ramon Montalban.
Bagama’t hindi lubusang napatunayan ang reklamo na sexual harassment laban sa akusado, sinabi ng Sandiganbayan na sapat ang testimonya na dumanas ang biktima ng mental distress dahil sa nangyari.
Ayon sa complainant, tumitingin siya ng mga damit na inaalok sa pasilyo ng kanilang opisina nang dakmain ni Montalban ang kanyang puwet noong Abril 2015. Pagkatapos ng insidente, nagpalipat ng opisina ang empleyada para makaiwas sa akusado.
Natuklasan pa ng complainant na inaatake siya ni Montalban sa social media pero itinanggi ito ng huli.