Advertisers
HINDI bababa sa 405 “diplomatic protests” ang isinampa ng Pilipinas mula noong 2020 kaugnay sa pagiging agresibo ng China sa West Philippine Sea partikular sa Pagasa Island at Julian Felipe Reef, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa plenary debates sa Kamara para sa panukalang budget ng DFA, naging mainit ang diskusyon ukol sa pahayag kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang “territorial conflict” ang ating bansa sa China.
Tanong ni Albay Rep. Edcel Lagman, tama bang sabihin na walang territorial conflict lalo’t ang China ay “annexing” o inaako ang teritoryo ng ating bansa at nagtatayo ng military facilities sa West Philippine Sea.
Sagot ni Manila Rep. Benny Abante, na siyang sponsor ng 2023 budget ng DFA, pinapanatili ng kagawaran ang posisyong “sovereignty” sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Abante, patuloy ding iginigiit ng DFA ang mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Seas.
Pero banat ni Lagman, kahit isang milyong diplomatic protests pa ang isampa ng bansa, itatapon lamang ito ng China.
Hindi rin daw siya kontento sa mga sagot ni Abante.