Advertisers
NAGPROTESTA si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa hindi angkop na paglalarawan sa banal na Ka’aba bilang pet stroller o cart sa isang pet fashion show sa isang mall sa Quezon City kamakailan.
Sa isang liham sa management ng mall, ipinahatid ni Padilla na ang Ka’aba ay isang pinagpalang istraktura na may malaking kahalagahan sa pananampalatayang Islam – at bilang sagradong lugar sa panahon ng mga relihyosong paglalakbay.
“Bagama’t malinaw mula sa audio ng nasabing video na walang intensyon na bastusin ang banal na Ka’aba, ang akto ng paggamit ng sagradong istraktura bilang pet carrier ay nakasakit po sa damdamin ng mga may paniniwalang Islam,” ani Padilla sa kanyang liham.
Si Padilla ay isang Muslim at chairman ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.
Ipinaalala rin ni Padilla na ang Ka’aba ay binuo ni Propeta Abraham at ng kanyang anak na si Propeta Ishmael upang maging bahay ng pananampalataya para sa buong sangkatauhan.
“Ang pangyayaring ito nawa ay maging oportunidad upang mas mapalawak pa ang kaalaman ng bawa’t isa tungkol sa iba’t ibang pananampalataya, tulad ng napakagandang intensyon sa likod ng pagkakatayo ng banal na istraktura na ito,” aniya pa.
Iginiit ni Padilla na hindi maitatanggi na bahagi ng tungkulin ng event organizer at management na “siguraduhin ang social at cultural sensitivity sa mga pampublikong kaganapan” tulad ng nasabing pet show.
“Dahilan dito, naniniwala po akong nararapat lamang ang public apology para sa Muslim community mula sa grupo o mga grupong bahagi ng pangyayaring ito,” aniya.
“Sa diwa ng pag-unawa at paggalang sa mga paniniwala ng bawa’t isa, taos-puso akong umaasa na ang iyong opisina ay magiging mas maingat sa mga programang maaaring makasakit, o may posibilidad na makasakit, sa anumang relihiyon sa ating bansa,” dagdag ng Senador. (Mylene Alfonso)