Advertisers
Arestado ang dalawang high value target na pawang mga college students nang mahulihan ng malaking halaga ng marijuana sa isinagawang operasyon ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lungsod ng Urdaneta.
Kinilala ni PDEA Pangasinan provincial director Rechie Camacho ang mga suspek na sina Tianes Rouch at Jomari Dalina, kumuha ng kursong turismo at aeronautics at kapwa galing Maynila.
Nadakip ang mga suspek sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay Nancayasan, Urdaneta City.
Nakuha sa mga ito ang nasa kalahating kilo ng ‘kush’ isang high-grade na uri ng marijuana, humigit kumulang na 100 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na aabot sa halagang P1.6M, isang sasakyan na kanilang nirentahan at cellphone na ginagamt sa illegal drug transactions.
Sa imbestigasyon, nabatid na may kaya sa buhay ang mga suspek dahil marine engineer at architech ang kanilang mga magulang.
Sa National capital Region pa ang area ng kanilang operasyon at first time umano nilang magsagawa ng transaction sa lalawigan ng Pangasinan.
Napag-alaman na isa sa mga suspek, kalalabas lang ng kulungan tatlong linggo pa lang ang nakakalipas.
Samantala, naaresto rin ng PDEA Pangasinan ang isa pang high-value target sa isang buy-bust operation sa Barangay Carmay West sa bayan ng Rosales.
Kinilala ni Camacho ang suspek na si Jeffrey Calderon kung saan nakuha naman sa kanyang kustodiya ang 3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P2,000.
Matagal na umanong mino-monitor ang suspek sa kanyang illegal drug activities hanggang sa naaresto ito sa isinagawang buy bust operation.
Inaalam na kung sino pa ang kanyang ibang mga kasamahan at saan ang pinanggagalingan ng nasabing illegal na droga.