Advertisers
Nanindigan si Senator Christopher “Bong” Go na ang 1987 Constitution, na 35 taong gulang na, ay kailangang repasuhin at maaaring kailangang amyendahan para mas maging angkop sa modernong panahon.
“Ako naman po, personally, 1987 pa ang Constitution natin, 35 years na po ito. Kailangan nang i-review — pag-aralan nating mabuti at gawing mas angkop sa modernong panahon,” sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa Surigao City, Surigao del Norte.
Sa panayam, hinimok ni Go ang gobyerno at mga eksperto sa batas na pag-aralan nang mabuti ang ideya ng pagbabago ng sistema ng pamamahala sa bansa tungo sa pederalismo sa pagsasabing mabibigyan nito ang mga lokalidad ng higit na awtonomiya sa pagtugon sa mga suliranin sa kani-kanilang nasasakupan.
“Pag-aralan natin nang mabuti ‘yung federalism, mas marami at malawak na kontrol sa mga local officials sa kanilang pagresolba sa mga problema sa kanilang kinaukulang lugar,” anang mambabatas.
Ipinunto ng senador na kung ang ibang rehiyon ay mapakikinabangan ang kanilang mga resources sa ilalim ng isang pederal na set-up, ito ay hahantong sa pagtaas ng pag-unlad ng ekonomiya para sa mga lugar na iyon.
“Mas magiging mas mabilis ang pag-unlad dahil mas malaking income matatanggap nila —yung share nila sa mga buwis… at wastong paggamit ng kanilang likas na yaman ang maiiwan po sa kanila dito sa federalism,” dagdag niya.
Kung lilipat ang bansa sa pederalismo, muling iginiit ng senador na ang mga lokal na pamahalaan ay makapagbibigay ng mas angkop na mga solusyon sa kanilang mga problema dahil mas pamilyar sila sa kani-kanilang sitwasyon.
“Mas magiging akma po ang magiging solusyon dahil alam n’yo ang puno’t dulo ng isyu diyan, mas kapa nila ang problema sa baba, mas alam ng mga local, so mas mabilis ang ating mga disaster response, matutulungan kaagad,” ani Go.
Binigyang-diin ni Go, gayunpaman, na anumang pagbabago ay dapat gawin na una ang interes ng mamamayang Pilipino.
“Dapat po ang makinabang ang taumbayan. Interes ng Pilipino, interes ng bayan ang unahin natin, hindi po dapat ang pulitiko ang makikinabang kung sakaling gagalawin po ang Konstitusyon,” iginiit pa niya.
Inihayag ni Go ang kanyang pagsuporta para sa paglipat sa pederalismo dahil ito aniya ang magsusulong ng mas pantay na pag-unlad ng mga rehiyon sa buong bansa. Binanggit ng senador na ibinahagi rin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pananaw na ito.