Advertisers
BUGBOG-SARADO ang isang radio commentator nang kuyugin ng isang grupo ng kalalakihan sa labas ng pinagtatrabahuhang istasyon sa Iloilo City nitong Biyernes.
Kinilala ang radio commentator na si Florencio Hervias ng Radio Mindanao Network (RMN) Iloilo.
Kwento ni Hervias, katatapos lamang ng kanyang programa sa radyo kasama si Roy Cejar at lumabas na siya ng gusali ng RMN. Pasakay na siya sa motorsiklo nang sugurin siya ng ilang kalalakihan at binugbog.
Nakatakas ang mga salarin.
Isinugod sa pagamutan si Hervias sa tinamo niyang mga pasa sa mukha.
Hinala ni Hervias, mga lokal na opisyal sa kanilang lugar ang may pakana sa pag-atake.
Aniya, sa programa nila ni Cejar, binanatan nila ang ilang lokal na opisyal dahil sa kapabayaan ng mga ito sa ilang proyekto.
Sa isang pahayag naman mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), humingi ito ng agarang aksyon sa pag-atake sa naturang radio commentator.
“We call on the Philippine National Police (PNP) to act on its assurance of protecting journalists and upholding the freedom of the press by swiftly and decisively apprehending the assailants and all others involved and filing the appropriate charges,” saad ng NUJP.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa rin ng awtoridad ang motibo ng pag-atake kay Hervias, pagkatapos ng pagpaslang sa isa pang beteranong radio commentator radio DWBL na si Percy Mabasa alyas “Percy Lapid”.