Advertisers
Mainit na pagtanggap at magiliw na kuwentuhan matapos na sumalubong kay Tutok to Win Party List Representative Sam “SV” Verzosa ang mga “cleft patients” ng dumalaw ito sa isang foundation na kanyang tinulungan kamakalawa ng umaga.
Labis na nasiyahan ang mga pasyente na may diperensiya sa labi sa ipinagkaloob na espesyal na regalo ng Mambabatas kung saan ang mga ito ay nasa pangangalaga ng Our Lady of Peace Hospital sa San Dionisio, Paranaque.
Kabilang ito sa mga charity events at pamimigay ng relief goods na isinagawa ni Rep. Verzosa nitong linggo. Kasama niyang namigay ng special relief goods si Miss Universe Spain 2022 Alicia Faubel.
“Malaki ang pasasalamat ko,” ani Congressman Verzosa, “at nabigyan ako ng pagkakataon na makasama at makahalubilo ang mga cleft patients dito sa Our Lady of Peace Hospital. Ramdam ko sa kanila ang init ng pagbati at pakikitungo sa amin. Kaya naman sinikap din namin na makapagbigay ng kaunting saya sa pamamagitan ng mga espesyal na relief goods na handog namin sa bawat isa sa kanila.”
Matagal at masayang nakihalubilo at nakipaghuntahan sina Rep. Verzosa at Miss Universe Spain 2022 Alicia Faubel sa mga “cleft patients” ng Our Lady of Peace. Maaaninag naman sa clear relief goods bags ang mga nilalaman nito na bigas, gourmet tuyo, Champorado, Spam, Delimondo corned beef, Korean noodles, Toblerone chocolates. Naganap ang nasabing pagdalaw at pamamahagi ng relief goods noong Lunes, ika-10 ng Oktubre 2022 katanghaliang tapat.
Nagbigay rin si Rep. Verzosa ng donasyon sa Smile Trains Philippines Foundation Inc. na nagkakahalagang P300,000. Ang Smile Train ay isang international children’s charity na tumutulong sa mga bata sa buong mundo na nangangailangan ng 100%-free “cleft repair surgery” at comprehensive cleft care. Nauna nang inanunsyo noong September 10 na isa ang Smile Trains sa mga napiling makatanggap ng donation mula kay Rep. Verzosa. Ito ay in-anunsyo noong birthday charity gala ni Verzosa na isinagawa sa Okada Cove.
Maalala na hindi pa man pumapasok sa pulitika si Rep. Verzosa ay dati na siyang namahagi ng mga espesyal na relief packs sa mga nangangailangan na nakatira sa Payatas, Lungsod ng Quezon at sa marami pang ibang lugar sa Pilipinas. Makikita sa mga nakuhang larawan at video na game na game namigay ng mga relief goods at nakipagkuwentuhan sa mga “cleft patients” sina Rep. Verzosa at Miss Universe Spain 2022 Alicia Faubel.
“Noon pa man ay masaya na kaming namimigay,” pagbahagi ni Rep. Verzosa, “ng mga espesyal na relief goods sa pamamagitan ng Frontrow Cares bago pa man nagkaroon ng pandemya. Ngunit lubos ang aking pasasalamat mula noong nahalal ako na kinatawan ng Tutok to Win Party, dahil mas dumami at lumawak ang mga pagkakataon ko na gamitin ang aking boses para sa kapakanan ng mga walang-wala sa buhay. Hangga’t nandito kami sa Tutok to Win Party ay makakaasa kayo na sisikapin namin na makapagbigay ng tulong at saya sa mga kababayan natin saan man kami magpunta.” Dagdag pahayag ng mambabatas.
Nakilala si Rep. Verzosa bilang “Wonder Boy of Sampaloc” dahil sa tila napakabilis niyang pag-asenso at pagsikat mula sa kanyang payak na pinanggalingan sa mga kalye ng Sampaloc, Manila kung saan siya pinanganak at lumaki. Ngayon isa na siya sa pinakabatang bilyonaryo sa bansa at tila ginawa niya ng personal na misyon na tumulong kung saan man may nangangailangan. (Cesar Barquilla)