Advertisers
IMINUNGKAHI ng Commission on Audit (COA) ang komprehensibong pag-aaral sa pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos mapag-alamang nasa 3.82 million o 90 percent ng 4.26 million pamilyang benepisyaryo ang nanatiling “below poverty level” sa kabila na sakop ito ng programa ng marami nang taon.
“Success in poverty reduction from 4Ps has to be critically examined: 90 percent of the 4.3 million household-beneficiaries continuously received grants for a long period of time without indication of being uplifted from poverty,” saad ng COA sa kanilang audit review na naka-post sa kanilang website.
Sinabi ng COA na may kabuuang 3,820,012 household-beneficiaries ang nasa programa mula pito hanggang 13 taon na at nakakatanggap ng cash grants na nagkakahalaga ng P537.39 billion hanggang nitong Hunyo 2021.
Makikita sa rekord na may kabuuang P780.71 billion ang inilaan sa pagpatupad ng 4Ps mula 2008 hanggang 2021, kungsaan may kabuuang 4,262,439 ang active household-beneficiaries nitong 2021.
Maliban sa isyu ng ideya sa pagpapagaan ng kahirapan, nagpahayag din ng pagkabahala ang COA sa pitong taon na coverage ng programa ayon sa nakasaad sa Republic Act 11310, 4Ps Act na naging batas noong April 17, 2019.
“This is particularly important because of the enactment of the 4Ps Act, which limits the stay of beneficiaries to seven years. Under the law, the Department of Social Welfare and Development (DSWD) will delist beneficiaries from the program after reaching the end of their seventh year, regardless of whether or not they have crossed the poverty threshold,” saad ng COA.
Sinabing ang pitong taon na limit ay makakaapekto sa tsansa ng student-beneficiaries na makumpleto ang kanilang high school education.
Hanggang noong March 2020, nasa 2.6 million o 33 percent ng 4Ps student-beneficiaries ang nanatiling nasa Grade 6 pababa.
“Applying this limit, these 2.6 million students will no longer receive financial support from the program by 2026,” sabi ng COA, inirekomenda sa DSWD na bilisan ang pag-upgrade sa National Household Assessment and information technology (IT) para makuha ang updated at tamang listahan ng deserving 4Ps beneficiaries.
Sinabi ng COA na ang pagkumpleto sa ‘Listahan 3’ ng DSWD ay delayed na ng 3 taon at sinimulan lamang ito noong Agosto 2021, habang ang Pantawid Pamilya Information System Version 3 o ang latest version ng IT system ng 4Ps “is not yet fully operational.”
Ang Listahanan 3 ay maglalaman ng latest at updated list ng pamilya ng mga mahihirap sa bansa.
“With the 4Ps Act already in place, almost all active beneficiaries will be delisted from the program by 2026, hence the Listahanan and the IT systems should be updated to ensure controls are working effectively to cater to new beneficiaries,” sabi ng COA.
Samantala, ibinalik ng DSWD sa 4Ps program ang 700,000 beneficiaries na nakatakda sanang alisin sa listahan matapos ma-validate ang actual condition ng 1.3 million household-beneficiaries.
Sinabi ni Romel Lopez, assistant secretary at spokesman ng DSWD, na 600,000 family-beneficiaries lamang ang inalis sa listahan ng programa.
“More or less around 600,000 were actually found eligible for exit out of the 1.3 million upon verification,” sabi ni Lopez.
Bago ito, ipinahayag ng DSWD na na-validate nila ang 1.9 million 4Ps beneficiaries para sa delisting. Sa bilang na ito, 1.3 million ay nagtapos na sa programa at hindi narin kabilang sa “very poor” family.
Ang natitirang 600,000 naman ay napag-alamang lumabag sa 4Ps conditions tulad ng pag-alis sa dineklarang address.
Nangako naman si DSWD Secretary Erwin Tulfo na dadaan sa tamang proseso ang pag-alis sa “graduates” at nag-aaplay na bagong beneficiaries.